November 8, 2016: Ang Petsang Hindi Makakalimutan

2015-category-title-tambuli copy2016-post-featured-image-marcos-not-a-hero

Taong 2005 noong una akong bigyan ng pambihirang pagkakataon para makapagsulat para sa nakararami. Bilang Mass Communication student, ang pribilehiyong maging parte ng isang outlet na tulad ng student publication ay magkahalong kapangyarihan at responsibilidad. Ang mga panahong iyon ay mapanghamon para sa malayang pamamahayag sa loob ng aking pamantasan kaya hindi mo basta-basta masasabi ang mga bagay na gusto mo o ayaw mo. Sa dalawang taon ng pagiging miyembro ng school paper, masasabi kong nagamit ko ang mga ipinagkatiwalang espasyo sa akin para mabigyan ng kaalaman at maging boses ng mga estudyanteng takot na marinig ang hinaing sa noo’y makapangyarihang mga tao sa pamunuan ng unibersidad.

Tunay na karangalan para sa akin na maging mumunting lingkod ng demokrasya mula pa noong campus journalist pa ako at kahit hanggang ngayon na nakakapagsulat ako sa pamamagitan ng online social media. Ipinagpapasalamat ko ang pribilehiyong ito sa mga nag-alay ng buhay para maiparating ang kani-kanilang ideolohiya at adbokasiya upang maibalik ang demokrasya sa lipunan, lalo na sa libo-libong pwersahang kinitil ang buhay, nawalang katawan (literal na hindi pa nahahanap hanggang sa kasalukuyan) at binusalang bibig para kontrolin ang malayang pamamahayag noong panahon ng Martial Law, ang pinakamadilim na yugto ng ating kasaysayan na naganap sa sapilitang ikatlong termino ng dating pangulong Ferdinand Marcos. Kaya naging masakit para sa akin ang naging hatol ng nakararaming mahistrado ng Korte Suprema na ihimlay na sa wakas ang namayapang diktador sa Libingan ng mga Bayani noong ika-8 ng Nobyembre 2016.

sc-decision-marcos-burial-abscbnnews

Sila ang ilan sa mga dahilan kung bakit hindi malilimutan ang November 8, 2016 (ABS-CBN News)

Tanghali noon nang marinig ko ang balita ng pag-sang-ayon ng siyam na hukom ng Supreme Court sa Marcos burial. Sinubukan kong iwasan ang lahat ng balitang sumusulpot sa Facebook news feed ko pero tila ayaw ng tadhanang itago sa akin ang masakit na katotohanan. Para sa tulad kong naniniwala sa halaga ng ngayo’y tatlumpung taong gulang nating demokrasya, ang hatol na ilibing ang diktador sa tabi ng iba pang bayani ay matinding insulto sa mga taong ginamit ang pawis, panulat at dugo para ilabas ang Pilipinas sa bangungot na likha niya at ng kanyang mga kaalyado.

Nanaghoy ang puso ko sa pag-usad ng mga oras pagkatapos na ilabas ang desisyon na naging dahilan para sumama ang pakiramdam ko. Sa kabila niyon, naisip kong kailangan kong ipakita ang aking protesta at kailangan kong iparamdam ang aking pagkadismaya. Kahit pa hilong-hilo ay pinilit kong sumabay sa daloy ng social media na nagpo-post ng pinaghalo-halong galit, lungkot, panghihinayang at panlulumo sa tila pagwawalang-bahala ng punong sangay ng Hudikatura sa demokrasyang sila dapat ang nagpoprotekta. Nakakagigil ang mga dahilan ng mga pumabor na mahistrado at tulad ng marami, hindi malunok ng konsensya ko na tila iniba ng mismong mga punong tagapagtanggol ng katarungan ang kahulugan ng salitang bayani para lang mapagbigyan ang walang katuturang paglilibing ni FM sa himlayang hindi siya karapat-dapat.

Hindi ko itinatago na ang nananalaytay sa aking dugo ay Ilokano, ang mga magulang ko ay minsa’y mga lantarang Marcos loyalist at may mga kamag-anak akong kumampanya sa kandidatura ng pagka-bise presidente ni Bongbong Marcos. Sa kabila ng lahat ng iyon, hindi ko itinuring na idolo si Marcos ang buhay ko dahil lang pareho kaming Ilokano. Lumaki ako sa panahong unti-unting itinatayong muli ng bayan ang mga pundasyon ng demokrasya, lumaki sa lipunang umiikot sa napakaraming ideolohiya, relihiyon at politikal na pananaw. Namulat akong naririnig ang iba’t ibang opinyong katulad o kasalungat ng sa akin at mula doon ay namulat din ako sa pagbuo ng sarili kong prinsipyo. Lahat ng ginagawa ko ngayon ay nagagawa ko nang dahil sa demokrasyang muling binuhay ng mga bayaning nagtibag sa diktador na ngayon ay pinagsisiksikang kilalaning bayani sa pamamagitan ng paglilibing sa kanya ng pamilya niya sa Libingan ng mga Bayani. Ibaon man nila ang mga labi niya at bigyan ng “hero’s burial” sa isang sagradong himlayan, hindi nito maililibing ang naging hatol sa kanya ng kasaysayan na hindi kailanman mapapaganda ng tulad ng ginawa nila sa katawan niyang matagal nang naaagnas.

marcos-corpse-afp-photo

Ang tunay na itsura ng bangkay ng diktador. (Larawan mula sa Agence France Presse)

Masakit mang tanggapin na itatatak ang November 8, 2016 sa talambuhay ng ating bansa sa karima-rimarim na dahilan, binibigyan din tayo nito ng pagkakataon na palakasin pa ang panawagang huwag makalimot sa mga naidulot ng diktadurya sa Pilipinas. Huwag kakalimutan kung sino ang mga namatay, mga nadehado, mga nawawala at mga patuloy na nagpapatatag ng demokrasyang pinagbuwisan nila ng buhay. Huwag din nating kakalimutan ang mga kasabwat sa pagkagahaman, mga bumaluktot ng katotohanan upang bigyang rason ang mga kasalanan, at mga intensyunal na nagbura sa kanilang kamalayan ng mga naganap na karahasan. Higit sa lahat, huwag natin kakalimutan ang mga nakinabang sa kapangyarihan at kayamanan ng mga mamamayan, mga ginamit ang kapangyarihan para pwersahing ibahin ang takbo ng kasaysayan at ang mismong diktador na dahilan kung bakit dumausdos sa lugmok ang ating bayan.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

 

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s