Animahinasyon

2015-category-title-tambuli copy2016-post-featured-image-tambuli-animahinasyon copy

Kailan nagiging makabuluhang gawa ang libo-libong mga salita? Kailan nagiging tao ang manunulat at kailan nagiging manunulat ang isang makabayan? Kailan nagiging armas ang mga talata at kailan nagiging maimpluwensya ang mga artikulong inilathala?

Aaminin ko, hindi madali sa akin ang panatilihing aktibo ang isang blog na tulad ng Aurora Metropolis. Sa loob ng anim na taon, nabibilang ko gamit ang lahat ng aking daliri ang mga pagkakataong kaya kong maging mataimtim sa pagsusulat. Sa ibang mga tsansa ay puro biglaan lang, yung tipong binibigla ng emosyon saka makakapagsulat para matandaan ko ang dapat kong matandaan sa hinaharap. Walang hinto ang pagduwal ng mga salita sa utak ko pero karamihan sa mga ito’y hindi ko matahi bilang mga piyesa. Samakatuwid, ang mga salitang ito’y naiipon sa aking banga, dinadala sa kung saan at ginagamit upang maipamahagi sa mga tao sa porma ng mga payo, plano o proyektong makakatulong sa sinumang may kailangan nito. Ang anim na taon ng Aurora Metropolis ay isang paglalakbay ng manunulat na sumusulat hindi lang sa pamamagitan ng kamay kundi pati na rin sa pagpasok sa buhay ng mga taong dumadaan sa buhay nya.

Ako, ang manunulat ay kakatapos lang na makiisa sa isang kakaibang hamon – ang sumali sa kampanya ng isang bagong pulitiko. Sa loob ng apat na buwan ng paglilibot, pag-aabot ng mga pulyetos at pagbida sa taong tunay na magsisilbi nang tapat sa bansa, napakaraming realization at lesson ang nagbalik sa aking gunita. Sa mga panahong iyon, bumalik ang pakiramdam ko ng pagiging normal na taong gagawin ang lahat para maging ekstraordinaryo ang mundo. Sa mga panahong iyon, lumakas ang damdaming makabayan ko dahil alam kong sa mga susunod na taon ay mabibigla ang bansa ko sa isang hindi inaasahang pagbabago. (Hayaan nyong ibahagi ang karanasang ito sa susunod kong artikulo.)

Normal ang pagbabago dahil yun talaga ang buhay ng tao. Tayong lahat ay buhay na sagisag na imahinasyon. Tayo ang nagpapagalaw sa mga bagay-bagay para maging makatotohanan, o mas malala, para manlinlang ng mata ng iba. Ngunit ano pa man ang idulot ng mga ito, lagi nating isaisip na ang pagbabago ay isang bagay na ginawa hindi lang para mag-iba ang perspektibo natin, kundi upang maibalik ang nawala sa atin na tayo mismo ang lumimot.

Mas nawiwili akong magsulat ngayon sa aking Facebook account. Dahil siguro sa maraming nakakabasa, halos nakalimutan kong may tahanan pala ang aking diwa na dapat doon ko ipinapaskil ang aking mga reklamo, ideya at ano pang mga salitang tuloy-tuloy na binubuhos ng aking isip at puso.

Ngayon ay muli kong sinilip ang Aurora at siya’y nakangiti pa rin tulad ng ipinanganak ko siya noong June 10, 2010. Tila sinasabi nya sa akin: Welcome home, Kuya Lem. Hinihintay kitang magkwento. Ang sagot ko naman: Sorry, Aurora. Huwag kang mag-alala, kahit hindi makapagkwento nang madalas si Kuya, ibinabahagi naman kita sa mga taong nakakausap ko. Ang mga payo ko ay payo mo, ang mga salita ko ay salita mo. Ang diwa ko ay diwa mo. Bigla kang tatawa at sasagot: Ang drama mo talaga. Dali na, sulat ka na! Excited na ako!

Salamat sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa Aurora Metropolis. Bagaman hindi ko maipapangako na magiging sobrang aktibo ko ulit sa blogging, hinihingi ko ang inyong dasal at pampalakas ng loob para manatiling makulay ang blog na ito, at para manatiling makapagbigay ng inspirasyon sa inyo. Hindi umabot ang Aurora ng anim na taon nang walang dahilan. Naniniwala akong si Aurora ay mabubuhay hangga’t hindi namamatay ang ningas ng inyong lingkod para makapagsulat habang naglilingkod, naglalakad at higit sa lahat, naniniwala sa mas magandang Maynila, sa mas maayos na lipunang Pilipino.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s