PANAHON NG PAG-IBIG #02: Umasa Kang Maghihintay Ako

Ang kantang ito ay inspirado ng Youtube singing duo na Emman&Pao sa kanilang cover na “Ako’y Sa’Yo, Ika’y Akin” (orihinal na inawit ng bandang First Circle). Sa loob ng halos napakatagal na panahon ay ngayon lang ulit ako magsusulat ng isang boy-girl love story. Sinubukan ko lang ulit kaya sana magustuhan ninyo.

aurora-title-novel copy

“Tin, ano kasi… pinag-aaral ako ni Tatay sa Maynila.”

“Wow! Maganda yun. Pero teka, bakit ka malungkot?”

“Kasi… isang taon pa lang akong nanliligaw sa’yo tapos mahihinto agad.”

“Huwag mong alalahanin yun. Mas importante ang pag-aaral mo. Di ba sabi mo, mag-aaral kang mabuti at kapag natapos ka na ng college ay maghahanap ka ng maayos na trabaho. Gusto mo ng magandang buhay para sa pamilya natin kapag napangasawa mo ako. Nakalimutan mo na ba yun? Ganun ang sinabi mo sa akin nung unang araw na niligawan mo ako.”

“Hindi ko naman nakakalimutan yun. Pero kasi, kulang pa ako ng isang taon eh, saka…”

“Sssssh! Huwag mo na munang isipin yan. Masyado ka nang maraming napatunayan sa akin sa isang taon. Nandito lang ako sa Cagayan. Makukumpleto mo naman yung dalawang taon mong panunuyo e. Pangako, umasa kang maghihintay ako kahit kailan. Saka, baka nga ikaw ang makalimot dyan kahit alam mong mahal na mahal na kita.”

“Ako? Si John Manuel Franco Jr.? Makakalimot kay Pauline Kristina de Jesus? Hmmm… tandaan mo ‘to, mahal na mahal din kita at hinding-hindi magbabago ang pag-ibig ko sa’yo. Pangako yan.”

Apat na taong paulit-ulit na nagbabalik sa isip ni Manny ang alaalang iyon. Apat na taong kanyang binabalikan, nginigitian at sa huli’y iniiyakan. Napakasayang alaalang hindi niya akalaing sa isang dagok ng tadhana’y hindi na magaganap kailanman.

Isang buwan pagkatapos niyang umalis ng kanilang probinsya ay nasawi sa aksidente si Tin. Nahulog sa bangin ang sinasakyang tricycle ng dalaga dahil umano lasing ang drayber. Tila nahulog din sa bangin ang puso ni Manny nang malaman ang malagim na pangyayaring iyon. Sa kanyang kalooban, napakasakit na tinuldukan ng aksidenteng iyon ang pangakong tatapusin ang dalawang taong panliligaw upang maging pormal ang kanyang pagmamahal sa una’t huli niyang mamahalin sa kanyang buhay.

Kasabay ng paglilibing kay Tin ay nalibing na rin ang Manny na kilala ng kanilang baryo na masayahin, makulit at palakaibigan. Nagsimula siyang magkolehiyo na tutok sa pag-aaral at minsan lang lumabas ng kanyang dormitoryo para makipaghuntahan sa mga kaklase at kaibigan. Hindi tumitingin o lumalapit sa sinumang babaeng nagpapakita ng interes sa kanya, bagkus, nakatuon siya sa kanyang mga aralin habang pumapasok ang dumadagundong na tunog mula sa earphone na nakasaksak sa tenga nya. Hindi na nagugulat ang kanyang mga kaibigan na laging nasa president’s list ng unibersidad ang kanyang pangalan. Kahit bakasyon ay wala siyang ginagawa kundi magbasa, tumugtog ng gitara, mag-soundtrip at maaliw sa malungkot na mundong iniikutan niya. Ayaw niyang umuwi sa Cagayan sa kabila ng pangungumbinsi ng kanyang mga magulang na sila’y bisitahin. Gumagawa siya ng dahilan, ngunit ang totoo’y iniiwasan nyang maramdaman ang magkahalong saya ng pagmamahalan nila ni Tin at ang pait ng trahedyang kumitil sa babaeng kanyang pinakamamahal. Apat na taong ganito ang buhay ni Manny, at para sa kanya, magpapatuloy na ganito ang kanyang buhay hanggang siya ay mamatay.

Unang araw ng huling semestre ng kanyang ikaapat na taon sa kolehiyo, walang professor na sumipot sa kanyang nag-iisang klase sa araw na iyon. Ayaw pang umuwi ni Manny sa dorm kaya tumungo siya sa kanyang paboritong tinatambayan sa unibersidad. Hindi gaanong tahimik ang mini-forest park dahil nag-eensanyo roon ang cheering squad. Hindi man okay kay Manny, pero dahil wala nga siyang ibang matatambayan ay dumistansya na lamang siya sa mga iyon upang makuha ang gusto niyang privacy. Kapag nasa mini-forest park siya ay di siya nagdadala ng earphone dahil mas gusto niyang naririnig ang mga huni ng ibon at kaluskos ng mga puno habang nagbabasa ng kanyang paboritong nobela. Nakatutok ang kanyang mga mata sa bawat letra at tila buhay sa kanyang pandinig ang mga linya sa bawat pahina. Wala sa normal na mundo ang kanyang isip na tila ba pumasok siya sa loob ng kanyang binabasa.

Sa kalagitnaan ng eksena ay may isang boses sa di kalayuan ang bumasag sa katahimikan ni Manny, isang boses na sobrang pamilyar sa kanya. Natanggal ang kanyang mata sa mundong binubuhay ng hawak niyang libro, hinanap ang tinig na pinanabikan niyang marinig nang napakatagal, ang tinig na hindi niya inaasahang marinig pa. Tumigil ang kanyang paningin sa pwesto ng cheering squad at nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Tin, nakasuot ng uniform ng kanilang eskwela at masayang nagkukwento sa isa sa mga miyembro roon. Tumindig ang balahibo ni Manny at literal na tumigil ang daigdig sa kanyang nakikita. Patakbong umalis ang babaeng iyon patungo sa direksyon ng Political Science building. Tila tumaas ang dugo ni Manny kaya agad na hinablot ng binata ang kanyang bag at patakbong sinundan ang kamukha ni Tin.

Lumiko sa right wing ng gusali ang dalaga nang makita ni Manny. Pagkapasok sa Political Science building ay tuluyan nang nawala sa kanyang paningin ang kamukha ni Tin. Naroon ang elevator at hagdanan pero hindi niya alam kung saan siya aakyat para masundan ang kanyang nakita. Inuna niya ang pag-akyat sa hagdan upang panhikin ang lahat ng palapag at silid para siya’y hanapin. Lahat na ay kanyang sinilip at pinasok hanggang siya’y makarating sa ikalimang palapag ngunit bigo siyang hanapin ito.

Tumungo siya sa elevator para bumaba at habang hinihintay iyon ay nakalingon siya sa malaking bintanang tanaw ang parking area sa likod ng Political Science building. Sa di kalayuan ay nakita niya ang kahawig ni Tin na nag-iba na ng suot na damit at naglalakad sa gitna ng parking lot. Nagbukas ang elevator, dagliang pumasok at tumakbo palabas ng gusali patungo sa parking area. Nakita niya ang isang kotseng malayo na sa kanyang tanaw na marahil, sa isip ni Manny, ay kung saan nakasakay ang babaeng may taglay na mukha at katauhan ng kanyang namayapang iniibig. Wala nang lakas ang kanyang mga binti upang habulin pa ang sasakyang iyon, at doon napagtanto ni Manny na baka guni-guni lang ang kanyang nakikita.

“Ha?! Nakita mo yung namatay mong girlfriend sa school?!” pagkagulat ng kanyang kasama sa dorm na si Allan na naging matalik na niyang kaibigan sa loob ng apat na taon.

“Oo pre.”

“Baka hallucination mo lang yun, pre. Hindi ka naman nasisiraan ng ulo dahil sa pag-aaral, di ba?”

“Ewan ko pre.”

“I’ll be rude, pre. Why can’t you just forget the past and move forward? I’m not saying that you need to find someone who will replace her. Siya ang inspirasyon mo kaya mo ginagawa ‘to. Pero kung pagbabasehan ko ang mga kwento mo, malamang, sasabihin nya sa’yo na bumalik na sana yung Manny na minahal nya at hindi yung grabeng magmukmok dyan habang wala siya. She’ll be happy and proud if you can do that. Sige pre, tambay muna ako sa labas.”

Tama siguro si Allan, sa isip ni Manny. Ito ang unang pagkakataon na nabagabag siya nang ganito at marahil ay may ibig sabihin ang naganap kanina lang. Magkagayunman ay binalewala na lang niya ito at muling tinuon ang sarili sa pag-aaral.

Kinabukasan. Maagang natapos ang muli’y nag-iisa niyang klase sa araw na iyon. Dala ang kanyang laptop ay muling tumambay si Manny sa mini-forest park upang tapusin ang natitirang chapter ng kanyang thesis na ipapasa na sa kanyang adviser sa isang araw. Paumpisa pa lang siya sa kanyang tina-type ay narinig niyang may humintong kotse sa kalyeng hindi nalalayo sa kanyang kinauupuan. Nakita niyang muli ang babaeng kamukha ni Tin na kalalabas lang sa kotse. Lalapitan na niya sana ito nang may lalaking sumalubong sa kanya, at nagulat pa siya nang bigla nitong sampalin ang lalake at iniwan sa kinatatayuan nito. Pilit na kinakausap ng lalakeng iyon ang kamukha ni Tin ngunit hindi ito tumitigil sa paglalakad papunta muli sa Political Science building. Totoo nga ang kanyang nakikita, pero sobrang kataka-taka para kay Manny na halos lahat ng anggulo ay hawig nito ang kanyang nasirang minamahal.

Natapos ang kanyang araw sa pag-aayos ng kanyang thesis, alas-6:00 ng gabi. Nagdesisyon si Manny na bumalik na sa dorm ngunit bago siya makalabas sa gate ng unibersidad ay muli niyang nakita ang kamukha ni Tin. Umiiyak itong nakaupo sa bench na katabi ng isang malaking puno. Hindi siya nag-alinlangang lapitan ang dalagang ito at ialok ang kanyang puting panyo. Umahon ang mukha ng dalaga sa pagkakayuko at sa pagtatagpo ng kanilang mga mata ay lalong nakita ni Manny ang pagkakahawig ng babaeng ito sa kanyang minamahal.

“Thank you,” banggit ng humihikbi pang dalaga at saka kinuha ang panyo. Naramdaman ni Manny ang dulo ng daliri niya kung saan parang nakaramdam siya ng kuryente. Tila inutusan siya ng kanyang paa na iwan na lamang iyon.

“Wait!” sabi nito na nagpaharap kay Manny. “I’m Ella. Anong name mo?”

“Ah… eh… Man… Manny…” nauutal na sagot ng binata. “Uhm sige, alis na ako. Inabot ko lang yung panyo ko.”

“Hmmm… ganun ba? Sige. Salamat ulit.”

“Ah… eh… pero kung gusto mo ng karamay muna, pwede naman kitang… samahan?”

“Uhm… actually, paparating na yung sundo ko. Okay lang ako. Salamat.”

Medyo napahiya si Manny at napangiti na lang, saka iniwan ang babaeng nagpakilala sa pangalang Ella. Nilingon niyang muli si Ella at dun nakita niyang dumating na ang sundong kotse ng dalaga. Dumire-diretso na siya ng lakad papunta ng dorm habang umiikot sa kanyang utak ang itsura ni Ella na malapitan na niyang nakita. Mula sa kilay, tangos ng ilong, hugis ng mga mata’t bibig, sa haba ng buhok at maging sa boses ay hindi siya nalalayo kay Tin. Pwede niyang isipin na kakambal iyon ng kanyang minamahal pero wala namang nakukuwentong ibang kapatid si Tin kundi ang kuya niyang Karlo. Binura niya agad ang pagdududang iyon at saglit na nilimot ang mukha ni Ella. Mas marami pa siyang dapat na isipin kaysa sa mga nangyayari ngayon.

Dumating muli ang kinabukasan. Mula umaga hanggang hapon ay may klase si Manny. Tapos na niya ang ginagawang thesis ngunit kailangan pa niyang basahin itong muli upang makasiguradong maayos niya itong ipapasa. Bago umuwi ay dumaan muna siya sa opisina ng kanyang kolehiyo upang kumuha ng form para sa defense sa isang linggo. Maagang nagsara ang opisina kaya kailangan niyang bumalik dito bukas. Sa kanyang pagtalikod ay nakita niyang paparating si Ella na siya rin namang ikinabigla ng dalaga. Nakangiti itong tumatakbo papunta sa kinatatayuan niya, samantalang hindi alam ni Manny ang ikikilos habang papalapit ang dalaga.

“Hello! Buti nakita kita dito! Whew! Hahaha!” masayang bati ni Ella, sabay tawa na unang narinig ni Manny noong makita niya ito sa mini-forest park.

“Ha? Eh bakit naman?” gulat na tanong ni Manny. Hinarap ni Ella ang puting panyong pinagamit ng binata sa kanya kagabi.

“Isasauli ko sana ito sa’yo. Nakita ko yung ID lace mo last night kaya nagka-idea akong dito ang college mo. Magba-bakasakaling may nakakakilala sa’yo dito sa office kaya dito ko dadalhin sana yung panyo. Salamat ulit ha.”

“Ayos lang yun. Salamat din kasi nag-effort ka pa para ibalik sa akin ang panyo ko.”

“Gusto ko rin naman na maging kaibigan ka. I am much thankful ‘coz you gave me this while I was crying. It means a lot,” wika ng nakangiting si Ella na nakapagpangiti rin kay Manny.

Dito na nagsimula ang pagkakaibigan nina Ella at Manny. Halos araw-araw sa halos ilang buwan ay nagkikita ang dalawa kahit saglit. May mga panahon namang sabay silang nagme-merienda o sumasama sa mga bonding ng mga kaklase o mga kaibigan ng bawat isa. Nakita ni Allan ang pagbabago ng kaibigan na naging masayahin mula nang maging malapit sila ni Ella. Natutuwa naman siya para kay Manny ngunit nag-aalala rin dahil pumasok sa kanyang ideya na si Ella ang tinutukoy niyang kahawig ni Tin.

Marso, natapos na ang lahat ng alalahanin ni Manny sa unibersidad at opisyal na siyang idineklarang summa cum laude sa kanilang graduating batch. Agad niyang sinabi ang magandang balitang ito sa kanyang pamilya sa probinsya na talaga namang nagagalak sa karangalang ito. Balak niya ring sabihin ito kay Ella bago siya magtapat dito na gusto na niyang ligawan ang dalaga na siyang ikinagulat ni Allan.

“Sigurado ka na ba dyan, pre?”

“Oo naman.”

“Mahal mo na siya?”

“Wala pa naman sa ganun, pero gusto ko siya.”

“Gusto mo siya dahil…”

“Dahil nariyan siya lagi para ibalik yung dating ako. Na-appreciate ko yung mga ginagawa niya.”

“Mahal mo siya kasi kamukha siya ni Tin, tama ba ako?” prangkang tanong ni Allan na nagpatahimik at nagpawala ng ngiti ni Manny. “I knew it.”

“Ha?! Paano mo nalaman?! Eh hindi ko naman pinapakita sa’yo yung picture ni Tin ha! Saka hindi ko pa ‘to sinasabi sa’yo! Pinakialaman mo ba mga gamit ko?!” gulat na may pagkapikong tanong ni Manny sa kaibigan.

“Hindi ko ginagalaw yung mga gamit mo pre. At lalong hindi na kailangan na ipakita mo ang picture ni Tin para i-reason out na gusto mo na siya agad. Baka nakakalimutan mo pre, Psychology ang course ko. Nahuli ka sa sarili mong bibig.”

Natahimik si Manny sa sinabi ni Allan. Kitang-kita sa kanyang mga mata ang katotohanang nilantad ng kanyang kaibigan.

“You’ve changed a lot when you became close to Ella. As your friend, I’m happy ‘coz she made you more positive and jolly now, and there’s nothing wrong with that. But we both know that the only person who can make you happy is Tin and no one can change you that instant until Ella came to your life. Ella’s face and personality are almost the same as Tin’s. Walang pumipigil sa’yo na magmahal ulit pre, pero unfair naman yun para kay Ella. Paano kung malaman nyang minahal mo lang siya dahil lang kamukhang kamukha niya si Tin? You may love Ella in many ways, but not only because she has the face of your deceased lover.”

Patuloy ang pananahimik at pag-iisip nang malalim ni Manny tungkol sa nabanggit ni Allan. Ngunit narito na siya sa puntong ito, kampante siyang gusto na niya si Ella at kaya niyang itago ang nakaraang handa na niyang limutin. Kinabukasan ay nangyari na nga ang gusto ni Manny. Sinabi na niya ang magandang balita at nagtapat na siya ng pag-ibig kay Ella. Tinanggap naman ng dalaga ang alok na panliligaw ng binata kaya’t naging mas masaya at mas malapit silang dalawa.

Dumating ang araw ng Baccalaureate Mass ni Manny pero hindi makakadalo ang mga magulang ng binata. Inalok ni Ella ang kanyang sarili na makakasama ng kanyang manliligaw kaya tuwang-tuwa si Manny sa okasyong na ito. Tumungo si Ella sa dorm ng manliligaw para sabay silang pumunta sa simbahan kung saan gaganapin ang misa. Walang tao sa kwarto nina Manny kaya’t dumiretso na lang si Ella. Nakita niya ang mga damit na susuotin ng binata na sobrang gulo. Narinig niyang naliligo pa si Manny kaya’t gusto niyang sorpresahin ito sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga damit niya, mula sa kurbata, pantalon, long sleeves at sa gagamiting wax at suklay.

Sa gitna ng kanyang pag-aayos ay nakita niya sa sulok ng kama ang isang red wallet. Nagtaka siya sa laman nito dahil sobrang kapal kaya ito’y binuksan niya, at nagulat siya sa kanyang natuklasan. Bumungad ang larawan na ang nakalagay ay “JM is for Pau, Tin is for Manny” kung saan mahigpit na nakayakap si Manny sa isang babaeng kahawig niya. Nakita niya ang petsa kung kailan kinunan ang larawang iyon, at ito’y apat na taon nang lumipas. Nanginig ang luha ni Ella sa kanyang nakita, kinuha ang litrato at saka lumabas ng kwarto.

“Oy Ella! San ka pupunta!” sigaw ni Allan nang makita ang dalaga na nagmamadaling lumabas ng dorm na siyang ikinataka naman ng una. Pumasok na ang binata sa dorm at nakitang nagpapatuyo na si Manny ng kanyang basang buhok.

“Hindi ka pa nag-aayos ha?” tanong ni Manny kay Allan.

“Eh antagal mong maligo e. Nakasalubong ko si Ella. Nagmamadali. Mukhang galing na rito e.”

“Si Ella? Hindi ko napansin. Kakatapos ko lang maligo e.” Kinuha ni Manny ang kanyang cellphone at tinawagan ang dalaga. Napakatagal nitong nag-ring bago niya ito tuluyang sinagot. “Hello! Pumunta ka na raw dito? Nasaan ka na?”

“Ah oo. Pero sorry, I can’t make it. Biglang sumama ang pakiramdam ko. I just want to sleep today.”

“Ganun ba? Gusto mo dalawin kita? Hindi na ako pupunta dun.”

“No no no! Pumunta ka sa mass, please. I want to rest now. Will talk to you soon.”

“Okay. I love you Elle.” Bigla nang naputol ang koneksyon ng tawag dahil na-lowbatt ang cellphone ni Manny. Nag-aalala man ay sinunod ng binata si Ella na pumunta sa baccalaureate mass ng kanilang unibersidad at iniwan ang kanyang nakapatay na phone.

Umuwi siya sa dorm at saka sinaksak ang charger sa kanyang telepono, agad na binuksan at hinintay kung may mensaheng pinadala si Ella. Nakatulog na siya sa paghihintay at hanggang sa paggising ay wala pa ring text ang dalaga. Sinubukan niya itong tawagan ngunit ito’y ‘out of reach’. Sinubukan niyang maghanap ng mga kaklase o kaibigan nito sa unibersidad ngunit wala siyang makita. Pinuntahan niya ang opisina ng student council kung saan treasurer si Ella. Sabi ng isa sa mga kasama nya roon na nagpaalam daw si Ella na uuwi ng probinsya at sa pasukan na umano babalik. Tinanong ni Manny kung may iba pa itong ginagamit na cellphone number o kung alam nila ang address nito sa probinsya ngunit wala silang maibigay na impormasyon. Pinuntahan din niya ang bahay nina Ella ngunit sabi ng kasambahay nito na hindi niya alam kung saan nagpunta ang mag-anak ng dalaga at maaari ngang sa pasukan na babalik ang mga ito mula sa bakasyon. Walang magawa si Manny kung paano mako-contact si Ella at araw-araw niyang dina-dial ang cellphone number ng dalaga kung matityambahan itong magri-ring ngunit nabigo siya.

Dumating ang araw ng kanyang graduation kung saan natanggap niya ang bunga ng kanyang pagpupursige sa pag-aaral, ang pagiging summa cum laude. Dumating ang kanyang mga magulang at bunsong kapatid na lalake upang makita ang pag-aabot sa kanya ng mataas na karangalang ito. Sa pagtatapos ng seremonya ay ipinakilala ni Manny sa kanyang pamilya si Allan na siya namang cum laude ng kanilang kurso. Sa kabila ng masayang sandaling ito ay biglang naalala ni Manny na muling tawagan ang cellphone number ni Ella ngunit hindi niya pa rin ito ma-contact.

Kasama ni Manny ang kanyang pamilya na bumalik sa kanilang dorm para kunin ang kanyang mga gamit. Binabalak nitong magbakasyon muna sa bayang sinilangan bago magtrabaho sa isang malaking korporasyon.

“Ano pre, kaya mo na bang umuwi sa Cagayan?” nakangiting tanong ni Allan sa kaibigan.

“Dito ko alam pre. Pero siguro, kaya ko na. Naka-move forward na siguro ako.”

“Mabuti naman. Pero siguro, mas makaka-move forward ka kung dadalawin mo si Tin. Kausapin mo siya at pormal na magpaalam, bago mo ibigay ang puso mo kay Ella. Mas makakaluwag yun sa loob mo.”

“Gagawin ko yun. Maraming salamat, Allan.”

“Wala yun. Para pagbalik mo dito sa dorm, mas maganda na ang aura mo. Basta uwian mo ako ng mga fresh na prutas ha! Hahaha!”

Labindalawang oras na biyahe mula Maynila hanggang Cagayan, sinamantala ni Manny ang mga oras na ito upang makapagpahinga. Nagising na lamang siya nang huminto sa mismong tapat ng kanilang bahay ang sasakyan. Sa loob ng apat na taon, tila napakaraming pagbabago sa panlabas na anyo ng tahanan nila na ikinatuwa naman ng binata. Gayundin sa pagpasok nito sa loob ay napansin din ni Manny ang ilang pagbabago sa mga dekorasyon at muwebles sa sala at hapag-kainan. Doon ay nakita niya ang ilang matatalik na kaibigan noong high school na sorpresang sinalubong siya sa kanyang pagbabalik, at kasama rito ang kapatid ni Tin na si Karlo.

Bumalik ang ligaya sa mukha ni Manny at naging sobrang saya ng buong araw ng magkakabarkada. Nagkalat ang napakaraming kwentuhan sa sala na ikinatuwa ng mga magulang ni Manny. Noong huli nilang makita ang anak bago ito lumuwas ng Maynila ay lumong lumo ito sa pagkamatay ni Tin, ngunit para sa kanila ay tila nakakausad na ito sa kanyang mapait na nakaraan.

Alas-diyes na ng gabi nang matapos ang kasiyahan. Nag-uwian na ang kanyang mga kaibigan at lumabas sa bahay nila na parang ayaw pang tapusin ang bonding na apat na taon din nilang hindi nagagawa.

“O Par, bukas ha! Ilibot mo ako dito sa baryo!” pabirong imbitasyon ni Manny kay Karlo.

“Baliw! Alam mo, kahit apat na taon kang nawala rito, kaya mong libutin ang baryo kahit nakapikit ka. Konti lang naman ang nabago dito tulad ng bahay ninyo,” natatawang sagot ni Karlo na ikinatawa ni Manny. Sa gitna ng kanilang tawanan ay biglang pumasok sa isip ni Manny si Ella na kamukha ng kapatid ni Karlo.

“Ah… eh… Par, tanong ko lang… may kamag-anak ba kayo sa Maynila na… kamukhang kamukha ni… Tin?” nag-aalinlangang kasunod na wika ni Manny.

“Kamag-anak namin sa Maynila na kamukha ni Tin? Wala kaming kamag-anak sa Maynila, Par. Maliban na lang kung nakita mo yung kambal niya,” sabi ni Karlo na ikinagulat ng isa.

“Ano?! May… kambal si Tin?!”

“Hindi ko na nabanggit sa’yo etong nalaman ko. Hindi ko rin alam ‘to at hindi rin alam ni Tin ‘to nung nabubuhay pa siya. Dalawang araw pagkatapos mailibing si Tin, umamin sina Papa at Mama na may kambal si Tin na pinaampon nila sa best friend nila na hindi magkaanak. Wala naman akong alam nun dahil kay Tito Lei ako nakatira dati sa Amerika. Hindi na rin nila pinaalam sa akin at kay Tin para raw hindi na magkagulo. Ayun, noong araw na sinabi yun nina Mama, naroon na siya kasama nung mga umampon sa kanya. Nagulat talaga ako dahil akala ko nabuhay ulit si bunso.”

“Ano… anong pangalan… nung kambal ni Tin?” nanginginig na tanong ni Manny.

“Maria Mariella Jacob ang pangalan nya. Oh sige Par, nasa iyo na ang number ko. Text mo ako kung sasamahan pa kitang gumala sa baryo bukas. Good night Par.”

Nanghina ang binata sa kanyang narinig. Halos di siya nakapagpaalam nang maayos kay Karlo nang marinig niya ang rebelasyong ito. Tila nabuhusan siya ng nagyeyelong tubig sa kanyang nalaman.

“Eto ba ang gustong mangyari sa akin ni Tin, na iparamdam sa akin na tanggapin ko na ang kanyang pagkawala? O kailangan pa niyang saktan ang damdamin ko para hindi ko mahalin ang kapatid nya? Di ko naman siya kinakalimutan, pero hudyat na ba ‘to para kalimutan ko na siya?” tanong nito sa kanyang isip.

Nag-online siya para mag-baka sakaling makausap si Ella sa Facebook. Sa pagbubukas ng page niya ay isang nakakagulantang pang eksena ang bumungad sa kanyang mga mata. Nag-post ang dalaga ng mga larawan niya kasama ang lalaking nakita niyang sinampal nito noong araw na binigay niya ang panyo rito. Masayang-masaya silang dalawa, ni hindi naaaninag kay Ella na may nakakalimutan siyang may nag-alala para sa kanya. Pinindot agad ni Manny ang chat box at nakita niyang naka-online ang dalaga.

“Ikaw ang may sabing ako’y mahal mo rin, at sinabi mong ang pag-ibig mo’y di magbabago. Pero bakit Ella? Lumalapit ako sa’yo ngayon para kung may tanong ka man ay mapapaliwanag ko, pero parang lumalayo ka. At nakipagbalikan ka na sa dati mong boyfriend? Bakit mo ‘ko sinasaktan, Ella? May nagawa ba akong mali sa’yo? :(”

Hinintay niya ang sagot ng dalaga ngunit ilang segundo lang ay biglang nag-logout ang chat ni Ella. Pinuntahan ni Manny ang profile page ng dalaga pero bigla niyang nakita na hindi na sila friends sa Facebook. Gumawa siya ng paraan para makapag-iwan ng mensahe pero nang i-refresh niya ang page ay bigla itong nawala. In-unfriend siya ni Ella at nilagay sa block list, hindi na niya muling makikita ang account ng dalaga at halatang tuluyan na siyang iniiwasan nito.

Napakabigat ng gabing ito para kay Manny. Eto na yata ang trahedyang dulot ng kanyang ginawang desisyon. Sa gitna ng pagkabagabag ay naisip niya ang sinabi ni Allan bago siya umalis sa Maynila.

“… mas makaka-move forward ka kung dadalawin mo si Tin. Kausapin mo siya at pormal na magpaalam… mas makakaluwag yun sa loob mo.”

Dumating ang bukang liwayway. Halos walang tulog si Manny nang binalak niyang puntahan ang libingan ni Tin. Dumaan muna siya sa parang kung saan tumutubo ang bulaklak na paborito ng dalaga. Hindi ito ang panahong sobrang namumukadkad ang bulaklak na ito, ngunit nagulat ang binata na napuno ang kaparangan sa sobrang dami nito. Pumitas siya ng napakarami para dalhin at ialay sa puntod ni Tin. Hindi naman nalalayo ang sementeryo roon kaya nilakad na lang niya ito.

Ilang daang metro na lang ang layo niya sa libingan nang may matanaw siyang taong nakaupo sa harap nito. Habang papalapit siya ay narinig niyang tumutugtog ito ng gitara at naaninagan niyang isang babae ang naroon sa puntod ng kanyang minamahal. At mas lalo pa siyang nagulat nang marinig ng binata na inaawit nito ang isang pamilyar na kanta. Naramdaman ng babaeng iyon na may tao sa kanyang likod kaya tumigil ito sa pagkanta at pagtugtog.

“Ella?” Nabigla si Manny na makita sa puntod ng kanyang minamahal ang kambal nito. Nagulat din siya nang makita nito ang bagay na nakasandal sa krus sa libingan ni Tin, ang pulang wallet ng dalaga kung saan nakalagay ang pinakahuling larawan nilang dalawa, isang araw bago namatay si Tin sa aksidente.

“Nakita ko yan nung araw ng baccalaureate mass,” wika ni Ella na nagbasag sa katahimikan ng dalaga. “Bigla akong nanlamig nang makita ko ang picture ninyo ng kambal ko. Tinanong kong bigla ang sarili ko kung bakit tinanggap ko ang panliligaw mo kahit dama kong mali iyon. Hindi ako nakipag-break sa boyfriend ko at ang balak ko lang ay gamitin ka para magselos siya, para balikan niya ako. Tinanong kong bigla ang sarili ko kung bakit nahulog ako sa’yo kahit ginagamit lang kita para makapaghiganti sa kanya. Siguro eto na nga yung sagot sa mga tanong na yun.”

Tumayo si Ella at humarap kay Manny na tumutulo na ang luha sa kanyang mga narinig sa dalaga. Unti-unting nawala ang galit kay Ella nang makita ang kalungkutan sa mga mata ng binata.

“Hindi ko nakilala o nakausap ang kakambal ko, pero kahit mahal na kita, mas mahal ko pa rin ang kapatid ko at wala akong balak na agawin ang lalaking minamahal niya. Ako na lang ang dumistansya dahil ayoko na ring lumala pa ang nararamdaman ng puso ko. At ayoko na ring isipin na minahal mo ako dahil kamukha ko lang si Tin… dahil kamukha ko lang ang taong patay na pero nananatiling buhay sa puso mo.”

“Paano kung hindi iyon ang dahilan?” Papaalis na sana si Ella nang biglang nagsalita si Manny. “Paano kung sabihin kong mahal kita dahil sa maikling panahon ay nagawa mong ipa-realize sa akin na walang magagawa ang pagmumukmok ko sa nakaraan kung nariyan naman ngayon ang babaeng karapat-dapat kong mahalin. Oo, aaminin ko. Nung una, nagustuhan kita dahil sa paningin ko’y ikaw si Tin. Pero habang tumatagal, binigyan mo ako ng dahilan para isiping binigay ka sa akin ni Tin mula sa langit upang sabihin na magmahal akong muli at ang mamahalin kong iyon ay mismong kambal niya. Pinaalala niya sa akin ang nakalimutan kong sumpaan na ako’y sa kanya at siya’y akin lang. Masakit sa akin yung narinig ko sa’yo, pero patas na tayo dahil yun din ang totoo. Pero ang mas totoo pa ay mahal na kita. Oo, maaaring patay na siya, pero binuhay niya ang puso ko para mahalin ka. Higit pa sa pagmamahal ko sa kanya. Mahal na mahal kita, Ella. May boyfriend ka pa di ba? Sige, umasa kang maghihintay ako kahit kailan. Gagawin ko ang lahat para maging sa’yo ako at maging akin ka lang ulit.”

Tumalikod si Manny at umupo sa tabi ng puntod ni Tin. Muling humarap si Ella at nakita ang binata na inaalay ang bulaklak na dala nito at sinundan ng pagdarasal. Nakita niya ang panginginig ni Manny, ang paghikbi nito, habang nakayuko sa libingan na siyang nagpaluha nang tuluyan kay Ella. Ibinigay ng dalaga ang oras na ito para kay Manny, para makausap si Tin sa pamamagitan ng panalangin. Umalis ito na dala ang malalim na pag-iisip. Maaari kayang tadhana ang gumawa ng paraan para magkakilala sila at magkaroon ng di maipaliwanag na pakiramdam para sa isa’t isa? Lahat kaya ng ito ay gawa ni Tin? Ito kaya ang kagustuhan ng kanyang kakambal na magseryoso na sa pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa lalaking nagparamdam sa kanya ng tunay na pagmamahal? Dumarami ang tanong sa utak ni Ella, pero nanaig sa kanya ang paniniwalang ang mga ito ay nangyari para dalhin siya ni Tin sa tama, ang yakapin ang tunay na pagmamahal na naramdaman ng kanyang kapatid noong ito’y nabubuhay pa.

Sa pagbalik nila sa Maynila ay naging normal muli ang buhay nilang dalawa. Nagpatuloy ang relasyon ni Ella sa kanyang kasintahan pero nariyan pa rin si Manny sa kanyang tabi bilang kaibigan. Tutok din sa trabaho ang binata sa isang malaking kumpanya at kung may libreng oras ay nakikipagkita siya kay Ella. Isang taon ang lumipas at naghiwalay si Ella at kanyang boyfriend. Kahit papaano’y may sakit sa dibdib ng dalaga ang pagtatapos ng relasyon at nariyan si Manny na dinamayan siya sa kanyang kalungkutan.

Dumaan ang mga oras at mga araw, at nang maramdaman ni Manny na tapos na ang lahat ng pagdurusa ni Ella, humarap siyang muli sa dalaga upang ipakitang hindi niya nakakalimutan ang kanyang pangako, ang paghihintay sa panahong ito na mamahalin niya si Ella bilang si Ella, hindi bilang kakambal ni Tin. Sa bench sa tabi ng malaking puno malapit sa gate ng unibersidad kung saan sila unang nakita, sinimulan ni Manny ang isang panibagong kabanata ng pagmamahal – yun ay si Ella.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s