PAKALAT-KALAT: Ang Ikatlong Taon Ng Aurora Metropolis

June 2010. May iilang blog accounts na rin akong nagawa noon. Kung tutuusin, mas marami akong ideya nung mga panahong iyon para makapagsulat at mapunan ng magagandang sulatin ang mga account ko na sa hindi ko matandaang kadahilanan ay hindi ko naipagpapatuloy. Magkagayunman, naroon ang nagtatagong ningas ng pagiging manunulat ko at hindi ko ito magagawang patayin, kaya binigyan ko pa ng isang pagkakataon ang aking sarili upang panatilihin ito. Nananatili ang nag-aalinlangang apoy sa aking puso, utak at daliri na alam kong kayang makapagpaalab ng damdamin ng napakaraming tao. Dito ipinanganak ang Aurora Metropolis, ang blog account na kasalukuyan ninyong binibisita at binabasa.

Hindi madaling bumuhay ng isang blog lalo na sa tulad ko na maraming gustong mangyari sa buhay. Ang masakit pa, kalat-kalat ang mga pananaw ko kaya’t maraming pagkakataon na dumaranas ako ng “writer’s block” na minsan ko nang naibahagi sa isa sa aking mga artikulo. Yung may mga sandaling nabuo na sa utak ang diwa, naisapuso na ang gustong iparating na inspirasyon, pero hindi nakikisama ang mga daliri upang habiin ito bilang isang sulatin. Minsan naman ay ganado ang mga kamay para dampiin ang keyboard ng laptop at naproseso na ng isip ang ideya, pero wala namang puso ang nararapat na aral sa mga mambabasa. At yung pinakamadalas kong maranasan, ay yung ganado ang daliri at puso mong magsulat, ngunit sa pagnanais mong magpabasa ng naiibang konsepto ay walang maibahagi ang iyong utak na unique na tema.

Sa nakalipas na tatlong taon, sa gitna ng sabog-sabog na mga ideya at mga sitwasyong humahadlang sa akin na makapagsulat, ay narito pa rin ako, ang manunulat ng Aurora Metropolis, nananatili sa aking sinimulang kontribusyon sa lipunan, ang mulatin ang lahat sa aking mga kaalaman at karanasan bilang tao, bilang Pilipino, bilang produktibong nilalang ng mundo. Minsan man ay walang dumadalaw o bumabasa ng aking mga gawa, nakakagulat din minsan na nariyan ang mga indibidwal o grupong nagpaparating ng kanilang paghanga at pasasalamat sa mga sinulat ko. Ang ilan sa kanila’y masugid kong mambabasa at nananabik sa susunod kong ihahain sa Aurora Metropolis. Higit pa roon, bahagi sila ng mga panahong nasa TOP 10 ang Aurora Metropolis sa pinaka-binabasang blog site sa Pilipinas. Sa mga ganitong tagumpay, lagi kong napapagtanto na hindi perpekto ang buhay at hindi kailanman nagiging dakila ang sinuman kung hindi dumadaan sa kalat-kalat na problema o magulong sitwasyon. Ang katangian ko bilang manunulat ay tulad ng pagsubok ng tao — nag-iisip, nahihirapan, pinipilit na makaahon, sumusubok ulit kapag nabigo, at nakakatanggap ng kaginhawaan kapag nagtatagumpay. Dahil dyan, hindi ako nahihiyang kalat-kalat o magulo ang aking pananaw sa buhay dahil dito ko nagagawa ang mga pinakamagagandang artikulo ng Aurora Metropolis na hinahandog ko sa Panginoon at sa mambabasa ko.

Maraming maraming salamat po sa inyo. Kayong mga mambabasa ko ang dahilan kung bakit nananatili pa akong nagsusulat at nananatiling buhay ang Aurora Metropolis. Kahit busy sa maraming bagay ay hayaan ninyong sulatan ko pa rin kayo at pipiliting makapag-post lagi ng mga kwento dahil hindi lang ito daan para maihayag ang sarili ko, kundi para maihayag din ang pananaw ng kabataan, ng Pilipino, at ng ordinaryong tao sa buong mundo.

aurora_fbprofpic01

One thought on “PAKALAT-KALAT: Ang Ikatlong Taon Ng Aurora Metropolis

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s