Banta Sa Akin Ay Kadiliman: Isang Pananaw sa Cybercrime Prevention Act of 2012

Nailathala ang artikulong ito sa unang oras ng pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act of 2012 o ang Batas Republika Blg. 10175. Hindi ko masasabing buo ang aking pagtutol sa nasabing batas sa kabila ng pagiging isang malayang manunulat gamit ang worldwide web. Pero aaminin ko, kinakabahan ako at di maiwasang mapaisip sa pwedeng mangyari.

Ang ama ko ay ipinanganak sa taong unti-unting lumalaya ang Pilipinas sa kamay ng mga Hapon, hudyat ng nalalapit na pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang ina ko nama’y ipinanganak sa taong unti-unti nang bumabangon ang bansa sa pagkawasak at unti-unting pagtataguyod ng kalayaang hiwalay sa pamamahala ng Amerika. Ang aking panganay na kapatid ay ipinanganak noong taong nag-uumpisa na ang pakikibaka ng iilan sa nagsisimula nang rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos, ang tinatawag nilang First Quarter Storm. Ilang buwan bago ipatupad ang Martial Law ay ipinanganak ang aking ikalawang panganay na kapatid. Ang ikatlo kong kapatid ay ipinanganak sa panahong masasabing unti-unti nang niyayakap ng marami ang disiplina ng Batas Militar tungo sa Bagong Lipunan. Halos eksaktong dalawang taon pagkatapos ang makasaysayang EDSA People Power Revolution ay ipinanganak ang inyong lingkod, ang nagsusulat ng artikulong ito.

Lumaki ako sa lipunan at kaisipan kung saan ang demokrasya ng bansa ay masayang dinadama ng mga Pilipino. Unang natuto ng mga aral ng kasaysayan sa kwento ng aking mga magulang at mga kapatid, at nagmulat sa akin na gamitin sa produktibong pamamaraan ang kalayaang tinatamasa ko. Heto ako ngayon, malayang nakakapaglahad ng aking saloobin sa ating lipunan. Isang simpleng Pilipinong dinadaan sa makabagong sistema ng pagbabahagi ng impormasyon ang mga karanasan ko sa buhay, masama man o mabuti. Isang payak na manunulat na tinatanggap ang papuri’t kritisismo ng mga taong nakakabasa ng aking mga sinusulat, at pinakikinggan ang kanilang opinyon ukol sa mga paksang nilalahad ng aking artikulo. Hindi man sikat ang aking blog site ay napatunayan kong may ilang bumabasa rito (ang ilan ay mga kaibigan) ang nagiging apektado sa aking mga tala, puno man ng kasiyahan o nalulunod sa poot. Ang maganda rito’y positibo ang pagtanggap nila sa mga ito at mas natutuwa akong marinig sa kanila na may naitutulong ako sa paghahatid sa kanila ng kaalaman.

Sa una’y hindi ako nabahala sa napapabalitang pagsasabatas ng Cybercrime Prevention Act of 2012, na noo’y hinahain pa sa Kongreso bilang Senate Bill No. 2796 at House Bill No. 5808. Ang alam ng karamihan ay isa itong batas na magpapalawig ng parusa sa mga nakakaganap na krimen sa loob ng worldwide web o gamit ang Internet. Ngunit sumingaw ang mga butas nito nang pirmahan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bilang batas ang nasabing panukala. Ilang oras bago mailathala ang artikulong ito’y lalong dumami ang Pinoy Internet users na tumuligsa at kumondena sa Anti-Cybercrime Law dahil sa mga probisyong hahadlang sa ating kalayaan sa pamamahayag. Marami ang nagsasabing kinikitil ni Pangulong Aquino ang kalayaang minsang pinaglaban ng kanyang mga magulang na sina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino. Dito na ako nabahala nang kaunti.

Tulad ng aking mga sinabi, malaya akong nakakapagsulat dahil sa ganitong paraan ay nae-exercise ko ang kalayaan sa pamamahayag. Hindi naiwan sa pagiging campus journalist noong college ang pagsusulat kaya naging bahagi na ito ng aking buhay sa pamamagitan ng Aurora Metropolis. Pero tila nagiging horror movie ko ang batas na ito sa ilang mga kadahilanan. Tila nagkaroon ng limitasyon ang mga paksang dapat kong sulatin. Hindi ako ang tipong brutal sa salita kapag naglalabas ng sama ng loob sa pamahalaan, bagkus, tinitipa ko ito sa magaan ngunit malinaw na pagpapaliwanag. Magkagayunman, masyadong vague o kalat ang pakahulugan ng Anti-Cybercrime Law na maaaring magbigay ng maling interpretasyon dito. Kahit pa nasa napakamabait na anyo ng artikulo ang aking isulat ay maaaring makasuhan pa ako ng libel dahil sa nilahad ko lang ang alam kong tama o nararapat.

Konti lang ang takot ko sa bagay na ito dahil kaya kong manindigan para sa mga sinusulat ko. Ang malaking takot ko lang ay ang ginagawa nitong impact sa lipunang aking ginagalawan na maaaring magdulot ng anarkiya. Ang pagha-hack ng Anonymous Philippines sa mga website ng pamahalaan ay parang sa pelikulang V For Vendetta lang dati kong napapanood. At sa nangyayaring hidwaang ito, hindi imposible ang mga ganoong eksena sa ating pulitika at bansa sa kabuuan.

Umaandar na ang orasan ng sinasabing isang panibagong banta sa ating kalayaan. Tanging oras na lang ulit ang makapagsasabi sa kapalaran ng Pilipinas sa pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Pansamantala, ang araw na ito’y magdidilim ang Internet community ng Pilipinas.

One thought on “Banta Sa Akin Ay Kadiliman: Isang Pananaw sa Cybercrime Prevention Act of 2012

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s