Ang Batang Pulubi Sa Harrison Street

Hindi ako madaling maawa sa mga pulubi.

Meron akong paniniwala na ang mga pulubi ay mga di kanais-nais na elemento sa kalsada ng Kamaynilaan. Para sa akin, sila yung mga taong tamad magtrabaho’t iaasa sa pagpapaawa ang kanilang pinambubuhay sa araw-araw. Minsan nama’y iniisip kong isa silang parte ng sindikato na nangangalap ng pera para makagawa ng mga krimen sa ating lipunan. Hindi naman ako nag-iisa sa pananaw na ito, kaya Ito ang aking mga malalaking dahilan kung bakit hindi ko sila pinapansin kapag nasa jeep ako o naglalakad sa mga bangketa. Kahit punasan pa nila ang sapatos ko (na kahit punasan nila’y di nalilinis dahil maruming basahan pa ang kanilang pinampupunas), kalansingin ang kanilang instrumento ng mga tugtuging wala sa tono at gumawa ng mga kaawa-awang sulat, hinding-hindi ko sila bibigyan ng piso…

… pero isang gabi, may isang eksenang tumunaw ng aking puso na kinalauna’y natutunan kong kaawaan at hangaan.

Hindi ko alam ang kanyang pangalan, pero nakatatak sa aking isipan ang mukha ng batang pulubing ito na umaangkas sa panulukan ng Harrison Street at Buendia sa Pasay. Hindi siya kakaibang pulubi kung titignan ang itsura – madungis, mabaho, nakakadiri. Ganito ko siya unang nakita sa salamin (dahil nakaupo ako sa tabi ng jeepney driver) .

“Ate, Kuya, pengeng barya…” Ordinaryong dialogue ng mga pulubi, ordinaryong itsura ng isang nagmamakaawang gusgusing bata, ngunit may isang bagay akong hinangaan sa batang ito. Mula sa kanyang mga mata ay nakita ko ang sinseridad ng pagsasabi ng salitang “SALAMAT PO”. Nakita ko kung paano siya tumingin sa mga pasaherong hiningian niya ng barya noong unang araw na makita ko siya. Hindi man kita sa kanyang mga labi ang saya, pero tila ipinaparamdam niya ito mula sa kanyang puso. Ang mas kahanga-hanga pa rito ay yung pagsasabi niya ng pasasalamat sa driver na nagpaangkas sa kanya – isang katangiang ni minsan ay hindi ko nakita sa ibang batang pulubi. Sinundan ko ng tingin ang musmos hanggang nakalayo na ang jeep. Naantig ang aking puso’t kusang napaluha sa labis na awa sa bata. Pumikit ako at nanalangin na sana’y maging laging ligtas ang batang pulubi na iyon sa mapusok na paraiso ng kalunsuran.

Hindi iyon ang nag-iisang pagkakataon na nakita ko siya. Muli, umangkas siya mula sa kanto ng Buendia at Harrison. Ito ang unang beses na nagtama ang aming mga paningin, at hindi nabago ang sinseridad ng kanyang mga mata. Hindi ko siya hinintay na humingi sa akin at agad ko siyang binigyan, at natanggap ko ang salitang “salamat po Kuya”. Nang siya’y makababa, pumikit ako’t nanalangin para sa kanyang kaligtasan sa kalsada.

Kanina’y napakalakas ng ulan. Nakaupo ako sa gilid ng jeep at nanginginig sa lamig nang biglang umakyat ang batang pulubi sa parehas na lugar. Basang-basa’t walang suot na T-shirt o sando, nanlilimahid sa grasa ang katawan at maging ang suot na khaki shorts. Halatang nilalamig ang kanyang murang katawan at pilit na kinakaya ang hagupit ng hanging dulot ng ulan. Walang masyadong pasahero sa jeep kaya’t umupo siya sa mismong harap ko. Kasabay ng panginginig ang mga salitang “pengeng barya, Ate, Kuya, pangkain ko lang po.” Hindi ako nakapag-react bigla dahil ayaw matanggal ng aking mga mata sa kalunos-lunos na sitwasyon ng batang pulubi. Dumukot ako sa aking bulsa at binigyan siya ng limang piso. Dito’y nakita ko nang malinaw ang isang guhit ng ngiti, kasunod ang mga salitang “salamat po”. Binigyan din siya ng dalagang nakaupo sa kanyang hilera kaya’t natuwa naman ako. Bumaba siya sa kanto ng Vito Cruz at mukhang papasok ng 7-11 upang siguro’y bumili ng makakain. Muli, tiningnan ko siya habang unti-unting nawawala sa aking paningin.

Hindi ako madaling maawa sa mga pulubi, maliban sa batang ito. Hindi ko alam kung bakit. Kung tatanungin ninyo ako, hindi ito basta-basta awa dahil kung awa lang pala ito eh baka mas marami akong inaabutan ng barya. Para sa akin, iba ang batang pulubi sa Harrison Street.

Mula sa kanyang malalaking mata na napupuno ng emosyon mula sa araw-araw na pagsubok ng kanyang buhay, ang tanging handog ko sa kanya na alam kong mas makakatulong kesa barya ay ang aking panalangin. Panalangin na sana’y walang mangyaring masama sa kanya. Panalangin na sana’y maliwanagan ang kanyang mga magulang o kaanak na hindi siya nararapat na hayaan sa mundo ng kalsada. Panalangin na sana’y may mabuting loob na alisin siya sa ganoong klaseng sitwasyon upang maramdaman niya na siya’y bata at hindi basura ng lipunan. Panalangin na sana, hindi mawala sa batang ito ang sinseridad at katotohanan mula nang una ko siyang makita. Panalangin na sana, makilala ko siya, makausap, maging kaibigan at maging mabuting kuya para sa kanya.

Wala akong pagkakataon na kunan siya ng larawan nang palihim, pero kung makikita nyo ang batang pulubing aking tinutukoy kapag dumaan ang jeep ninyo sa bandang Buendia at Harrison, huwag niyo po sanang pagdamutan. Pakisabi na rin sa kanya na mag-ingat sa kalsada at God bless. Huwag kayong mag-alala, ibibigay niya sa inyo ang isang totoong pasasalamat dahil dudugtungan niyo ang buhay niya na pinagbabantaan ng nagngangalit na sikmura sa araw-araw.

Lagi siyang nasa mga dasal ko.

5 thoughts on “Ang Batang Pulubi Sa Harrison Street

  1. obotolohiya says:

    Ito ang lagi kong hinihintay. Na sa tuwing may manghihingi ng limos sa akin at aabutan ko ng barya, may simpleng pasasalamat silang bibitawan. Hindi dahil nanghihingi ako ng kapalit sa kung anumang halagang aking naibigay, kung hindi dahil gusto ko pa ring isipin na kahit mahirap ang kanilang kalagayan, hindi nila nalilimutan ang mga magagandang ugaling natututunan sa paaralan. Kung hindi man sila nakakapag-arawl, para man lang patunayan na hindi lahat ng kaalaman ay natutunan sa eskwelahan. Minsan, nandiyan lang siya sa ating harapan. Minsan, sa mismong lansangang ating kinatatayuan.

  2. Josef Español Suson says:

    kaibigan, ang puso ko’y naantig sa’yong nakakapanindig balahibong istorya,…na para akin ay isang trahedya ng kapabayaan ng ating lipunan at magulang na nawawala sa tamang landas ng buhay. Ugat upang ang mga batang pulubi ay naghihirap at nakikibaka upang mabuhay sa araw at gabi sa ating bansa. Meron akong nagawang kanta alay sa mga mapagmahal sa mga tulad nila…di ko pa eto kinanta sa public or any gatherings but I do wish na marinig ninyo sa tamang panahon at maibahagi sa lahat ng taong gusto at handang tumulong sa mga batang pulubing nakikita sa daan……..my song entitled: Batang Pulubi

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s