THANK YOU FOR CALLING! #01 – Si Frances…

Tandang-tanda ko pa noong teenage years ko, lagi kong sinasabi na hindi ako magtatrabaho sa call center dahil ‘para lang sa mga bampira’ at hindi marangal ang industriyang ito. Hindi kasi uso sa akin ang gising at aktibo sa tuwing madaling araw, maliban na lang kung may school works ako. Pero nung nahinto ako sa pag-aaral ay natuto akong magpuyat sa kaka-text at kakagala sa kung saan-saan. Eventually, dito ko na sinimulang lunukin ang pilosopiya ng negatibong persepsiyon ko sa call center.

 

Mula noong 2007 ay masasabi kong naging suki ako sa mga recruitment area ng iba’t ibang call center companies. Sa mga ganitong lugar mo makikilala ang mga taong may iba’t ibang estado sa buhay at iba’t ibang klase ng pamumuhay. Pero ang hindi ko makakalimutan sa lahat ng mga nakilala ko sa aking mga pag-a-apply ay ang kuwento ng babaeng itatago ko sa pangalang “Frances”.

 

Nakasabay ko si Frances sa initial interview ko sa isang malaking call center sa Ortigas noong Abril o Mayo ng 2008. Dalawahan ang interview na yun at kung makapasa ka sa assessment ng recruitment officer ay pasok ka sa examination process. Ako ang unang kinausap ng recruitment officer, at dahil wala pa akong karanasan noon ay napatagal ang interrogation niya  sa akin. Matapos ang panggigisa ay sumunod si Frances. Napakaganda ng kanyang accent, cum laude siya ng isang unibersidad sa Visayas, nagtrabaho bilang caretaker sa isang nursing home sa Amerika at bumalik sa Pilipinas dahil para sa kanya, mas maginhawang magtrabaho sa lugar na malapit sa iyong pamilya at makakasama mo sila lagi sa araw ng iyong pahinga. Manghang-mangha sa kanya ang recruitment officer kaya pinasa siya nito, at siyempre ako rin. Pagkatapos ng interview na iyon ay kami na ang laging magkasama habang naghihintay sa schedule ng aming exam. Medyo matagal-tagal pa yun kaya naging matagal din ang kuwentuhan. Marami akong naging tanong sa kanya at lahat naman yun ay sinagot niya. Pero muli kong tinanong sa kanya ang tanong ng recruitment officer dahil hindi ako kumbinsido sa sagot niya na na-miss niya lang ang kanyang pamilya. Marahil ay kita sa aking mga mata na hindi ako naniniwala sa kanya. Tumawa siya at saka nagsalita’t pinagkatiwala sa akin ang tunay na dahilan.

 

Sa tatlong taon niya sa Amerika ay hindi lang tagapangalaga ng mga matatanda ang kanyang trabaho. Dahil hindi sapat ang kanyang suweldo para mabuhay doon at para may maipadala sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas, ay humanap siya ng iba pang sideline na normal naman doon – pero hindi ito isang simpleng sideline lang. Kumapit siya sa patalim at nagtrabaho bilang sex slave. Tuwing Sabado at Linggo ay nasa piling siya ng iba’t ibang lalaki na binabayaran siya nang sobrang laking halaga upang makaniig sa kama. Matatanda, negosyante, mga may asawa o talagang natural lang na manyakis. Pinapatulan niya ang mga ito dahil hindi nito matutumbasan ang kinikita niya sa nursing home. Pero isang masamang karanasan ang naganap sa kanyang pinakahuling kostumer. Isang mayamang may-ari ng isang sikat na motel sa Wisconsin ang nagustuhan siya at gusto siyang maging asawa pagkatapos nilang magtalik. Sa kanyang pananaw ay hindi pa ito ang oras para magkaroon ng sariling pamilya kaya’t tumanggi siya rito, pero hindi naging maganda ang tugon ng taong ito sa kanyang pag-ayaw. Agad siyang binugbog nito ngunit siya’y nakatakas. Tinawagan siya nito at pinagbantaang hahanapin siya’t papatayin. Natakot siya sa bantang ito kaya’t nag-resign agad siya sa nursing home at agad na bumili ng tiket pauwi sa Pilipinas. Walang masyadong nakakaalam sa masalimuot niyang istorya, maging ang kanyang pamilya’y walang ideya sa tunay niyang rason sa pagbabalik sa bansa. Isa lang daw ako sa iilang nakakaalam nito dahil magaan naman ang loob niya sa akin at alam niyang di ko siya huhusgahan.

 

Natapos ang araw ng application. Hindi ako natanggap sa final interview pero sa kagandahang palad ay natanggap siya as customer service representative para sa isang hotel reservations account. Dahil close na kami ay kinuha ko ang kanyang cellphone number at Friendster email address (hindi pa naman uso ang Facebook noon) para iadd ko siya pag-uwi sa amin. Friendster ang naging contact namin sa isa’t isa dahil na-snatch ang phone na pinag-ipunan niya nung gabing natapos ang interview namin. Isa siya sa mga unang nakaalam na nakapasok ako sa unang call center na pinagtrabahuhan ko. Nilibre niya pa nga ako ng mocca frappe sa isang sikat na coffee shop at masaya kaming nagkuwentuhan tungkol sa kanyang mga karanasan sa trabaho. Nakakatuwang malaman na maayos ang kalagayan ng kaibigan ko, pero di ko akalaing yun na pala ang huli naming pagkikita.

 

Dalawang buwan siyang hindi nagbukas ng Friendster. Wala akong ideya sa mga nangyayari sa kanya. Isang araw, nang dalawin ko ang kanyang profile page ay nakabasa ako ng isang comment mula sa kanyang kapatid na ang nakalagay ay parang ganito: “Mahahanap din natin ang katarungan, ate. Maging anghel ka sana ni Ging. Bantayan mo kami habang nasa langit ka.” Hindi lang ang comment na ito ang may kaparehong mensaheng gustong iparating. Nagpadala ako ng mensahe sa Friendster ng kapatid niya upang malaman ang totoong nangyari.

 

Papasok si France sa trabaho at nakagawian niyang maglakad lang sa kalsada papunta sa sakayan ng jeep kahit madaling araw dahil maliwanag naman ang kalye at matao doon. Nagkataong Linggo noon, nag-brownout sa lugar nila at halos walang tao sa paligid. Kahit madilim ay naglakad pa rin si Frances, tangan ang flashlight upang ilawan ang kanyang daraanan. Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, may nakakita umano sa kanyang kapatid na nakahandusay sa isang bakanteng lote, nakadilat ang mata ngunit wala nang buhay, naliligo sa sariling dugo, walang saplot at walang awang binaboy ang pagkababae. Kumpleto ang kanyang mga gamit sa dala niyang bag at hinihinalang ang tanging tangka ng suspek ay gahasain siya. Nakita ang mga marka sa braso ni Frances, senyales na nanlaban siya sa hayop na lumapastangan sa kanya.

 

Sa kabila ng pag-iimbita sa akin ng kanyang kapatid ay hindi ako pumunta sa kanyang burol at maging sa libing. Takot ako na humarap at tumingin sa ataul ng isang taong malapit sa aking puso. Ayokong makita siya sa ganoong kalagayan. Mas mabuting maalala ko na lang ang aming masayang pagsasama at mananatili siya sa aking puso’t isipan. Namatay siya sa edad na 26.

 

Siguro, kung buhay pa si Frances ay call center supervisor na siya ngayon. Siguro, nakakapagkape kami lagi at nagkukuwentuhan tungkol sa mga kalokohan namin sa loob ng call floor. Isa siya sa mga inspirasyon ko kung paano umahon sa kabila ng mga kabiguan at pagkakamali sa buhay.

 

May mga nagsasabing hindi ganoon karangal ang trabaho ng mga call center agent, at inaamin kong minsan ko ring nasabi iyon. Pero bilang ako na nakapasok at nabuhay sa mundong iyon, alam kong nagkakamali sila. Ang mga taong tulad ni Frances ay mga bayaning dapat din nating ikarangal dahil nilalabag nila ang batas ng oras para buhayin, hindi lang ang kanilang pamilya kundi pati na rin ang ekonomiya ng bansa.

2 thoughts on “THANK YOU FOR CALLING! #01 – Si Frances…

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s