Para sa Araw ng Maynila

2015-category-title-dear-manila2019-headline-feature-para-sa-araw-ng-maynila

This article is part of Aurora Metropolis’ #Manila448 Series in celebration of Araw ng Maynila. The views expressed by the author does not reflect the view of organizations he represents or he is affiliated with.


 

Mga kaibigang Manileño…

Alam kong alam ninyo na ipinagdiriwang natin ang Araw ng Maynila. Oo, ipagdiriwang. Hindi dahil walang pasok. Pero isang tanong ang laging lumalabas sa aking isipan: Alam pa kaya ng mga taga-Maynila kung bakit may Araw ng Maynila?

June 24, 1571, itinalagang kabisera ng Kaharian ng España sa Pasipiko ang naghaharing lupain sa tabi ng isang aktibong look sa kanluran ng Luzon. Kilala na ng marami ang yaman ng kalakalan at kultura sa Maynila bago pa dumating ang mga Kastila. Pero ang proklamasyon ni Miguel Lopez de Legazpi sa Maynila ang sinasabing nagbukas ng mas malaking pintuan ng siyudad sa buong mundo. And the rest is history.

Noong bata pa ako, bago kami mag-one-day-holiday dahil Araw ng Maynila ay may mga activity kami sa eskwela para gunitain ang okasyon. At kahit June 24, may mga kaklase akong pupunta sa iba’t ibang lugar sa Maynila para magsaya sa mga event na ino-organize para sa ispesyal na araw ng aming siyudad. Masasabi kong ang henerasyon ko ay maswerte dahil alam namin kung bakit walang pasok ang June 24. Siguro, meron piniling magpahinga, pero ginawa ang araw na ito para imulat ang ating mga mata at isipan sa halaga ng kasaysayan ng siyudad na minamahal at kinaiinisan natin paminsan-minsan.

Payong Manileño, lalo na sa mga kabataan: Huwag natin hahayaang maging mangmang sa tunay na kahulugan ng Araw ng Maynila. Ang pagpasyal sa mahahalagang lugar sa ating siyudad ay simple ngunit mahalagang pagbibigay-pugay sa kadikalaan ng Maynila sa kasaysayan ng daigdig.

Nandyan ang Rajah Sulayman Park sa may Malate na nakaharap sa Manila Bay. Nandyan din ang Intramuros, ang dambana ni Andres Bonifacio sa tapat ng Manila City Hall, ang Chinatown sa Binondo at, siyempre, ang Escolta na isa sa mga nagpanatili ng korona ng Maynila bilang isa sa mga pinakamahalagang siyudad sa mundo sa nakalipas na mga siglo.

At siguradong sa mga paaralan ninyo ay kinakanta ang Awit ng Maynila. Tulad ng kung paano ninyo kinakanta ang Lupang Hinirang, nawa’y isapuso ninyo ang ating himno. Sa bawat titik nito ay nakaukit ang ambag ng ating siyudad sa ating lahi. Hangga’t patuloy nating tinatatak sa ating puso’t isipan ang mga salitang ito ay walang dudang patuloy nating ipagmamalaki ang ating pagka-Pilipino.

Let’s be proud of our Manila. It is not just a capital city, but also a center of Filipino pride, now and always.

Let’s explore Manila!

 

Lem Santiago
Blogger, Aurora Metropolis

 

 

cropped-article-stoper.png

Depensa sa Lupang Hinirang at bakit dapat tayong “mamatay nang dahil sa’yo”

2015-category-title-tambuli copy

2018-09-article-tambuli-lupang-hinirang

Ang Marcha Filipina Magdalo o Himno Nacional na mas kilala bilang “Lupang Hinirang” (o “bayang magiliw” sa mga nagmamadaling sumagot) ay ipinanganak sa panahong unti-unti nang nagtatagumpay ang hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo laban sa mga pwersang Kastila.

Kung susuriin ang mga pangyayari tungo sa June 12, 1898, ang Pambansang Awit ay maituturing na suma-total ng libo-libong digmaan sa loob ng 333 taong pananakop ng Espanya sa ating arkipelago. Tagumpay man o hindi, taglay ng bawat titik ang talino, tatag at tapang ng milyon-milyong indio upang sa wakas ay makamit ng lahi ang kasarinlan. Sa lahat ng panahon at pagkakataon, ayon sa pananaw ng mga ninuno nating mandirigma, handa dapat tayong mag-alay ng buhay para sa kalayaan ng bayan at para sa kapakanan ng mga kababayan. Ika nga ng pinakahuling linya nito: “aming ligaya na ‘pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa’yo”.

Malaya na ang Pilipinas. Natapos na ang malalaking sigalot at ang kalakhan ng bansa ay lumalaban na lamang sa mga pagsubok upang sa araw-araw ay manatiling busog at buhay. Sa pagbabago ng ating lipunan, may saysay pa ba ang linyang “ang mamatay nang dahil sa’yo” ngayon? May dapat pa bang mamatay para sa ating bayan?

Ito ang argumento ng ilang kritiko ng Lupang Hinirang, partikular ng kontrobersyal na huling linya. “Defeatist” diumano ang pakahulugan nito sa puntong hindi akma ang kamatayan upang maging dulo ng bawat paghahangad sa tagumpay. Wala na raw rason para itulak ang pag-aalay ng buhay para sa bansa, bagkus, mas nararapat na lamang itong “mahalin”. Kung tutuusin, mas positibo ang “magmahal” kaysa “mamatay” nang dahil sa Pilipinas sa panahon ngayon.

Hanggang saan ang kaya nating gawin para sa pagmamahal? Kaiba ba ang konsepto ng pagmamahal sa pagitan ng bansa at sa isang tao, hayop o relihiyon? Isang halimbawa ang seremonyas ng kasal kung saan lutang lagi ang katagang “till death do us part”. Handa tayong mamatay para sa pustahan: “peksman, mamatay man” o “cross my heart: hope to die”. Sa paniniwalang Kristiyano, lalo na sa mga Katoliko, bakit natin hinihingi kay Inang Maria ang panalangin “ngayon at kung kami’y mamamatay” o “now and at the hour of our death”?

Ituring nyo na akong konserbatibo sa usapin ng pagka-makabayan ngunit para sa akin, alinmang pagbabago sa alinmang bahagi ng Pambansang Awit ay maituturing na pandaraya sa mga datos ng ating kasaysayan.

Ang planong pagpapalit ng titik ng Lupang Hinirang ay isang porma ng “historical revisionism”.

Nananatili ang Lupang Hinirang bilang pinakamataas na himno ng bayan upang ipagdiwang ang bawat dunong at dugong inalay ng ating mga ninuno para makamtan ang kasarinlan. Nananatiili ang Lupang Hinirang dahil salamin ito ng sakripisyo ng mga nasawi sa gitna ng giyera o sa pakikipaglaban ng prinspyo para sa causa ng demokrasya. Nananatili ang Lupang Hinirang sa ating pambansang kamalayan upang patuloy na ipaalala sa atin na pahalagahan ang bawat layang tinatamasa natin hanggang kasalukuyan.

Walang dahilan para pagdiskitahan ang huling linya ng Lupang Hinirang. Pagbabalik ng kabutihang-asal at hindi pagpapalit ng mga salitang hinabi ng kabayanihan sa Pambansang Awit ang solusyon sa bumababang moral ng ating bansa.

cropped-article-stoper.png

Para Saan Ang Kalayaan?

Natutunan natin sa kasaysayan na hindi tumigil ang mga nakalipas nating salinlahi para makamit ang kalayaan. Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi mabilang ang mga kababayan nating nagsakripisyo para sa isang pangarap na noo’y itinuturing na suntok sa buwan. Marami sa kanila ang nabigo, unti-unting sumuko’t naghintay na lamang sa isang himala hanggang sa kanilang huling hininga.

Ngunit sabi nga natin, ang lahat ng pagdurusa, pagtitiis at pakikibaka nila ay may kapalit na naaangkop na kahihinatnan. Isang daan at labing pitong taon ang nakakaraan, sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang natin bilang isang bayan ang kasarinlan. Mula noon, unti-unting naipalasap sa lahat ng panig ng bansa ang pagiging malaya at pagtamasa sa pantay na karapatan at oportunidad.

Tayo ngayon ay isang lipunang ganap ang kalayaan, ngunit aminin natin, ang kalayaang ipinamana sa atin ng mga ninuno ay tila hindi nagagamit sa paraang nararapat. Ang kasarinlang dapat ay magbibigay ng pagkakataon sa bawat isa na maging produktibong mamamayan ay nauuwi sa paglaganap ng iba’t ibang klaseng kawalan ng karapatan at katarungan. Ang Pilipinas na lumaya sa tatlong banyagang mananakop ay tila ba nagiging alipin ng kahirapan na tayo mismo ang may sala.

Para saan ba talaga ang kalayaan? Karapat-dapat ba tayo sa pribilehiyong ito?

Hindi hangad ng artikulong ito na idikta ang mga posibleng dahilan. Madali nating masasagot ang mga ito, at marahil, kahit sino’y makakapagbigay ng mga pinakamatatalinong sagot. Pagnilayan natin ang mga tanong na ito at sabihin ang mga sagot sa ating mga sarili nang taos sa puso at may bukas na pag-iisip.

Maligayang Araw ng Kalayaan, Republika ng Pilipinas! Mabuhay ang malayang Pilipino!

#