FAST POST #12: Jessica Sanchez At Ang Patuloy Na Malawakang Diskriminasyon Sa Amerika

Maraming Pilipino ngayon, dito man sa Pilipinas o sa ibayong dagat, ay lantaran ang suporta para sa 16-year-old na si Jessica Sanchez na posibleng tanghaling ika-11 kampiyon ng “American Idol”. Maraming nagsasabi na malaki ang tsansa niyang mapanalunan ang titulo dahil sa simpatiyang nakuha nito sa kalakaran ng programa.

Napanood ko kanina sa isang panayam sa TV Patrol, sinabi ni Arnel Pineda na pinag-iingat niya si Jessica sa posibleng diskriminasyong kanyang maranasan habang siya ay nasa entablado ng kasikatan. Matatandaang naging frontman ng bandang Journey sa Arnel at hindi basta-basta ang ganoong komento mula sa isang Pilipinong minsang tumuntong sa industriya ng entertainment sa Amerika.

Ang diskriminasyon sa Estados Unidos ay tila kasintanda na ng kasaysayan ng bansang ito. Unang dinanas ng mga African-American na sinundan ng mga Asyano (kasama ang mga Pilipino) ang ganitong klaseng pagturing ng iilang mga Amerikano sa mga tulad nilang kaiba ang kulay. Resulta ito ng mentalidad na mataas ang tingin sa kanilang lahi at ang tingin nila sa ibang lahi ay mas mababa sa kanila. Naging isyu ito na umabot sa pandaigdigang pagtalakay at patuloy na nireresolba ng mga ahensiyang tulad ng United Nations.

Taglay ni Jessica ang katangian ng isang Idol, pero kung matalo man siya’y hindi na ito kaduda-duda. Ang resulta bukas ng umaga ang magpapatunay kung tanggap na ng Amerika ang pagtuntong ng isang Asyano o ng isang Pilipina sa pedestal ng mga sikat na mang-aawit ng kanilang bansa. Si Jessica ay isa nang idol sa puso ng marami, Pinoy man o hindi. May diskriminasyon man o wala, pinapatunayan ng isang tulad ni Jessica na kahit anuman ang lahi mo at kulay mo, hindi namimili ang Diyos ng pagbibigyan ng talento.

Lahat tayo ay Kanyang nilikha at lahat tayo ay biniyayaan ng ganitong mga kakayahan dahil pantay-pantay tayong lahat sa Kanyang paningin.

FAST POST #11: David Laban Kay Goliath Para Sa Karangalan Ng Mga Isla At Ng Karagatan

Hinihiwalay ko ang mga kaibigan kong Tsino sa kung anumang mababanggit ko ukol sa paksang ito.

West Philippine Sea. Kalayaan Group of Islands. Panatag Shoal.

Mula nang mag-umpisa ang petisyon ng Pilipinas sa karapatan ukol sa teritoryo ay tila nagsimula na rin ang pagbangga natin sa sinasabing susunod na superpower ng daigdig, ang China. Sinasabi ng magkabilang kampo na madadaan sa diplomasya at ligal na pamamaraan ang pagtatalo ng dalawang bansa sa pagpapalit ng pangalan ng South China Sea bilang West Philippine Sea at ang pag-angkin sa Scarborough Shoal na tinatawag nating Panatag Shoal. Hindi ito ang unang beses na nasangkot sa agawan ng teritoryo ng dalawang bansa dahil noon pa ma’y nagtatalo sila sa pagmamay-ari ng Spratly Islands na tinatawag nating Kalayaan Group of Islands. ( na unang tinalakay dito sa Aurora Metropolis - Ang Spratlys Ay Para Sa Pilipinas. Sana Maisip Ito Ng China )

Kung titingnan ang mapa ng Asya Pasipiko, ang lahat ng pinag-aagawang isla ay napakalapit sa baybayin ng Pilipinas. Maging ang South China Sea ay nakatapat nang buo sa ating bansa. Sa kabila nito, iginigiit ng China na sa kanila ang lahat ng islang sakop ng South China Sea.ay sakop ng China, at may nagsabing maging ang Pilipinas ay teritoryo ng China. Kung susuriin ang International Treaty on the Law of the Seas (ITLOS), ang mga islang pinag-aagawan tulad ng Panatag Shoal at karamihan sa mga isla ng Kalayaan Group of Islands ay nasasakop ng soberenya ng Pilipinas, samantalang ang China ay mahigit 500 NM (nautical miles) ang layo sa mga islang ito. Pero ang basehan ng China ay ang kanilang kasaysayan at ang kasaysayang ito ay patuloy nilang tinuturo sa kanilang mga eskuwelahan.

Dahil sa gusot na ito’y pinagbabawalan na ng pamahalaan ng China ang pagpunta ng kanilang mga mamamayan sa ating bansa at pagharang ng mga produkto ng Pilipinas na papasok sa kanilang bansa. Malaking dagok ito sa export industry natin dahil isa sa mga malalaking market ng Pilipinas ay ang China. Naramdaman din agad ang epekto nito sa ating turismo, lalo na sa Boracay kung saan maraming Tsino ang bumibisita rito buwan-buwan.

Tunay na isa ngang David vs. Goliath ang nangyayaring stand-off na ito ng Pilipinas at China. Oo. Tayo ang pinakaapektado sa hidwaang ito dahil ang kinakalaban natin ay isang dragong unti-unting gumagalaw at maaaring kumontrol sa ekonomiya ng mundo sa hinaharap. Sa kabila ng pagiging superpower, tila naninigurado ito sa pagpapalaki ng kanyang teritoryo upang maging lubos ang kapangyarihan na pati ang maliit na islang tulad ng Panatag Shoal at ang Kalayaan Group of Islands ay kanyang inaangkin. Maaaring sa kasaysayan ay kinilala ang sinasabing pagmamay-ari ng China sa South China Sea, pero sa modernong panahon, panahon na upang ipakita sa mundo kung anong bansa talaga ang nakakasakop sa karagatang ito.

Ginagamit ng China ang kanyang lakas upang gipitin tayo, pero sa palagay ko, hindi ito dapat maging hadlang sa atin dahil hindi lang sila ang bansang nakikinabang sa ating pinagmamalaking produkto’t maipagmamalaking mga kakayahan. Marahil ay kaya nilang maapektuhan ang ating turismo at ekonomiya, pero sa palagay ko, mas marami pang bansa ang nagtitiwala’t sumusuporta sa atin. Oo. Tayo si David na bumabangga kay Goliath para sa karangalan ng mga isla at ng karagatan. Tayo ang sumusunod sa diplomasya at ligal na pamamaraan kaya wala tayong dapat ikapangamba sa ating mga hakbangin.

Oo. Tayo si David. At dahil tayo ang nasa tama, darating ang panahon na tayo ang mananaig. Walang maliit na hindi nakakapuwing. Tandaan nila yan.

FAST POST #10: Ang Pagbabalik Ng Otso Pesos Na Pamasahe Sa Jeep… GRANTED!

Kahapon lang ay ilathala ko ang naging pananaw ko sa hindi pagsusukli ng 50 sentimos ng ilang jeepney drivers kapag ang binabayad mo ay hindi sakto sa PHP 8.50.

Kanina lamang ay ibinalita sa TV Patrol ang binabang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik sa PHP 8.00 ang regular na pasahe sa jeep (sa unang 4 na kilometro ng biyahe) sa Metro Manila simula bukas, May 15, 2012. Resulta ito nang unti-unting rollback na ilang petroleum companies sa presyo ng gasolina.

Hindi maikakailang natuwa ang maraming mananakay sa balitang ito. Hindi rin maiiwasang umalma ang ilang jeepney groups, ngunit meron ding mga grupong sumuporta sa fare rollback dahil sa pakikisama ng pamahalaang Aquino sa programang makakapagpagaan sa bigat na nararanasan ng mga jeepney driver at operator sa tuwing nagtataas ng presyo ang gasolina.

Ang unang reaksyon ko nang marinig ko ang balitang ito: “Mabuti naman. Abusado kasi ang iba sa kanila kapag nanunukli.”

Sa ngayon, tayong mga pasahero ay hindi na muna masyadong mamomroblema sa 50 sentimos. Ipunin muna natin ang mga 25 sentimos sa alkansya para sakaling bumalik sa PHP 8.50 ang pasahe sa jeep (Sabi kasi ng LTFRB na ibabalik nila sa PHP 8.50 ang jeepney fare kapag tumuntong uli sa P48.00 pataas ang kada litro ng gasolina) ay meron na tayong ipapambayad… at para may ipansukli na rin ang mga driver.

PAALALA: Kung may driver na aalma sa pagbalik ng pasahe, kunin ninyo ang plate number at ibigay sa awtoridad (LTO, LTFRB, local traffic personnel) . National government na mismo ang nagsabi kaysa nasa sa inyo ang karapatan. Huwag hayaang maabuso laban sa inyong karapatan.

FAST POST #9: “Naynay!”

Late post. Late idea. Pero okay lang. It’s better to be late than never. LOL

Nagpapasalamat ako sa aking Facebook friend na nagngangalang Lian Hua Lee sa pagbibigay ng ideya para makapagsulat ako para sa okasyong ito. Halos matatapos na ang Mother’s Day habang ginagawa ko ang artikulong ito dahil nagra-rumble ang mga salita sa utak ko sa dami ng aking iniisip. Buti nga’t dahil sa mga commercial sa TV ay naalala kong Mother’s Day pala ngayon.

Nagtanong itong si Lian sa kanyang post sa Facebook, “Happy Mother’s Day? Is there really such an occasion?” Naghalong pagkatuwa at pagtataka ang naramdaman ko nang makita ko ang kanyang post dahil sa pagkakaalam ko, ipinagdiriwang ng buong mundo ang Mother’s Day ngayong ikalawang Linggo ng Mayo.

Kanina lang ay nagkausap kami sa chat at sinabihan niya ako ng … “Happy Naynay Day”. Natawa ako nung narinig ko yun. Tinama ko siya at sinabi ko na “Nanay” ang tamang tawag doon. Pero bigla kong naisip, medyo tama naman siya dahil may ibang taong ang tawag nila sa kanilang mga ina ay “naynay”. Pero na-realize ko sa huli na marami nga palang term ang nanay dito sa Pilipinas.

Nanay. Naynay. Mama. Mommy. Mom. Mudra. Sabi nga ni Simsimi, totoo ang “love at first sight”, dahil ang kauna-unahang mahal mo sa buhay ang una mong nakita’t naramdaman sa buong buhay mo, at siya ay ang iyong ina. Hindi ka man laging nagpapakita ng sweetness sa kanya ngayong malaki ka na (tulad ko) , alam ng ina ang puso ng anak. Kapag pinaramdam mo sa kanya ang pagmamahal kahit hindi sa kilos, siguradong babawian ka niya ng masarap na ngiti na talagang nakakagaan ng kalooban.

Maligayang Araw Ng Mga Ina sa lahat ng “Naynay” sa buong mundo. :)

FAST POST #8: Ang Saysay Ng 50 Sentimos Sa PHP 8.50 Na Pamasahe

Ngayon lang ulit ako nag-FAST POST mula pa noong Setyembre 2011 . Dapat ay noong Biyernes ko pa ito ilalathala rito, pero dahil sa dami ng ginagawa ay nitong araw ko lang naisip na i-post. Kung tutuusin, araw-araw kong naiisip ang paksang ito dahil tila hindi ito tumutugma sa sinasabi nating “pagkakapantay-pantay” sa lipunang ating ginagalawan.

Halos araw-araw akong sumasakay ng jeepney. Hindi naman ako nadismaya sa pinakahuling pagtaas ng pasahe na nagsimula noong Marso 21 dahil alam kong para ito sa kapakanan ng mga jeepney operator at driver na lubos na apektado ng palagiang pagtaas ng presyo ng gasolina. Oo. Sa palagay ko’y nakagaan sa kanila ang dagdag na singkwenta sentimos na dagdag sa jeepney fare dahil karapatan nilang kahit papaano’y magtaas kasunod ng di-mapigilang paglobo ng presyo ng likidong nagpapaandar sa kanilang mga kinabubuhay. Uulitin ko, hindi ako umalma sa pagtaas ng pamasahe, pero bakit may mga ilang jeepney driver ang hindi yata marunong makakilala sa lehitimong pamasahe at hindi nanunukli ng 50 sentimos kapag ang binayad mo ay PHP 9.00?

Noong Huwebes, May 10, papunta ako ng Manila City Hall sakay ng jeep na rutang Baclaran-Taft-Divisoria na may plate number PYZ-446. Nagbayad ako ng PHP 9.00 sa driver pero noong oras na iyon ay hindi na ako nagtaka na hindi niya ako sinuklian ng 50 sentimos. Pero may isang matandang babae ang umalma sa hindi niya pagsukli nang tama. Sampung piso ang binayad niya pero ang sinukli sa kanya ay PHP 2.00 lang. Umalma ang matanda dahil PHP 2.50 ang sukli niya dahil siya ay senior citizen. Pasigaw na nagreklamo ang driver, “Dapat kung talagang senior citizen kayo, magpakita kayo ng I.D.” Sa inis ng matanda ay binuksan niya ang kanyang bag at nilabas ang kanyang senior citizen card. Hindi na nakuhang magsalita pa ng driver at dinagdagan na lamang ng piso ang sukli ng matanda. (20 percent ang discount ng senior citizen at estudyante kaya dapat ay PHP 7.00 lang ang kanilang ibayad sa unang 4 na kilometro ng byahe nyo sa jeep.)

Kanino ba dapat ang responsibilidad ng pagkakaroon ng 50 sentimos? Sa driver o sa pasahero? Eto ang sa akin:

Ang mga jeepney operator at driver ang nag-angat ng petisyong magtaas ng pamasahe. Hindi naman nasunod ang hinihiling nila, dapat nilang respetuhin ang tugon ng pamahalaan dahil pinag-aaralan naman ito ng mga ahensiyang may sakop dito. Buti na nga’t tinaas ang pamasahe. Sana huwag nilang abusuhin ang saysay ng 50 sentimos sa kasalukuyang presyo ng pamasahe. Para sa akin, maghanda sila ng maraming 25 sentimos upang ipangsukli. Ito dapat ang maging responsibilidad ng kanilang sektor upang maging tama ang pagkakapantay-pantay ng sektor ng mga commuter at silang mga nagbibigay ng serbisyo tulad ng sa grupo ng transportasyon. Para naman sa mga commuter, subukan nating sundin minsan ang sikat na katagang “Barya lamang po sa umaga”. Manatiling kalmado sa pakikipag-usap sa driver. Ngunit ang pinakaimportante sa lahat, lalo na kung kayo ay estudyante o senior citizen, alamin po ninyo ang inyong karapatan ukol sa discount ng pamasahe.

Alam natin na may halaga pa rin ang 50 sentimos sa pamumuhay ng bawat Pilipino. Tandaan nating hindi mabubuo ang piso nang walang 2 50 sentimos o 4 na 25 sentimos. :)

Paalam, Kapatid Kong Kuneho.

“… Pero masakit mang isipin, darating ang panahon na sila’y mawawala sa amin. Tulad ng mga tao, walang katiyakan kung hanggang kailan sila mananatili. Higit sila sa pagiging kaibigan. Hindi man sila nakakapagsalita ay pinapakita nila sa kani-kanilang paraan kung gaano ka nila kamahal, kung gaano sila nag-aalala at kung gaano ka nila ituring na mahalaga sa buhay nila.” - Ang Pakiramdam Ng Namatayan Ng Isang “Kaibigan” (Aurora Metropolis, Enero 04, 2012)

Nitong Sabado lamang, April 14, 2012 sa kabila ng saya ng aking puso sa matagumpay naming pagsasagawa ng 2012 IYF World Camp Philippines ay gumimbal sa aking pag-uwi ang isang masamang balita. May nakatirik na kandila sa dulong bahagi ng aming bahay. Pagkakita ko nito mula sa hagdanan paakyat ng aming tahanan ay kinabahan na ako. Sa pagpasok ko ng aming pintuan ay agad na nagsalita ang nanay ko: “Wala na.” Agad na sinundan ng tatay ko ang sinabi niya. “Namatay na si Bunny. Nilagay ko na dyan sa may kahon ng sapatos” Hindi agad lumabas ang totoo kong reaksyon dahil sa sobrang pagod kaya’t lumapit ako sa kung saan nakatirik ang kandila, katabi ang isang shoebox. Dinama ko ang labas ng kahon, pilit na kinarga pero mabigat. Hindi ko alam kung talagang mabigat ba yun o talagang nakaramdam agad ng panlulumo ang aking katawan sa katotohanang ang aking alagang kuneho, ang pinakabatang miyembro ng aming pamilya, ay wala na sa amin.

*Ipinangako kong hindi na iiyak dahil dito, pero habang tinitipa ng aking mga daliri ang laman ng aking puso’y hindi ko mapigilang maluha. Ipagpaumanhin ninyo ang pagiging emosyonal ko.*

“Ang hayop at tao ay parehong nilalang ng Diyos, bagamat tayo’y pinanganak na kawangis ng Panginoon. Magkagayunman, ang mga hayop ay may malaking importansiya sa ating mga tao sa napakaraming bagay. Alaga man ang turing natin sa kanila, marami sa atin, higit pa sa pet ang turing… kundi isang kaibigan.”

Enero 01, 2009. Umaga. Dinala ko sa aming bahay ang isang kunehong kasinlaki lang ng aking kamao. Napaka-cute at napakasigla. Pinangalanan ko siyang BOA (hango sa pangalan ng aking unang account sa call center na Bank Of America) Sa kabila ng pagtutol ng aking nanay ay wala na siyang magagawa. Noong una’y wala kaming ideya kung paano mag-alaga ng kuneho. Napakamaligalig at talon nang talon sa bawat sulok ng bahay. Kinakain ang wire ng mga gamit namin (nakailang palit ako ng cellphone charger dahil sa kanya) . Gayunman, sa kalikutan niyang iyon ay tila nakabisado na niya ang aming bahay at ang aming pamilya. Hindi tumagal ay naging at home na si BOA sa amin at gayundin kami sa kanya. Kung ano ang kinakain namin ay kinakain nya rin. Isang araw ay pinalitan ng aking kuya ang pangalan ni BOA dahil mas kahawig niya ang sikat na cartoon character na si Bugs Bunny, kaya tinawag namin siyang “Bunny”. Naging laman si Bunny ng aming tahanan ng dalawang taon hanggang dumating sa pagkakataong hindi kami pwedeng mapalapit sa mga mababalahibong bagay. Nilabas si Bunny at doon ay ginawan siya ng aming tatay ng matitirhan na gawa sa lumang plate dispenser. Naging kumportable siya roon dahil hindi gaanong mainit ang hangin sa bandang iyon ng bahay.

Malakas kumain si Bunny. Walang pinipiling pagkain. Minsan pa nga’y inaagaw pa niya ang tinapay ng tatay ko sa almusal at inaagaw ang kanin ng aso naming si Bruce tuwing tanghalian o hapunan. Napakagana niyang kumain. Parang walang bukas. Sabi nga nila, mana raw sa amo.

Pero nitong mga nakaraang linggo ay napansin ng tatay ko na hindi kumakain si Bunny. Matamlay at tila walang enerhiyang salubungin ng kakulitan ang bawat isa. Tumagal ito ng maraming araw na talagang kinabahala ko sa puntong umiiyak ako nang palihim sa gabi. Itinaas ko siya sa aking panalangin at kahit papaano’y narinig naman ng Diyos ang aking dasal. Sumigla siya nang bahagya at tunay na nagpapasalamat ako. Kinausap ko si Bunny, tulad ng lagi kong ginagawa habang kinakamot ko ang kanyang ulo at likod na parang masahe ko na sa kanya. Sinabi ko sa kanya na mahal na mahal ko siya at sana’y bumalik na siya nang tuluyan sa dati. Doon ay hinalikan ko ang kanyang labi na lagi kong ginagawa kapag nagse-share ako sa kanya, tanda ng pasasalamat sa kanyang pakikinig sa akin.

Naging abala ang mga nakaraang araw, kaya’t nakikita ko na lang siya kapag aalis ako ng bahay at kapag pauwi na ako. May isang araw, nang papaalis na ako ng bahay ay pinaikutan niya ako nang walang humpay na lagi niyang ginagawa. Tila ayaw niya akong paalisin. Nilibang ko muna siya na para bang nakikipaglaro. Nakahanap ako ng tiyempo upang tumawid sa harang at makalabas ng bahay. Nang nasa kabilang bahagi na ako ng harang ay nilingon ko siya, at nakita ko si Bunny, nakatayo nang may buong lakas, nakalingon sa akin na ang mata’y tila may gustong ipahiwatig, at yun pala ang huling pagkakataon na makikita ko ang kanyang napakaamong mata.

Nang gabing iyon nang sinabi sa akin ng aking pamilya na patay na si Bunny ay sinabihan ako ng kuya ko na nag-text siya sa akin nang mas maaga para sabihin ang malungkot na balita. Tila hinintay lang pala ni Bunny na umuwi ang kuya ko galing sa isang out-of-town conference at hinintay lang niyang makumpleto kaming naroon sa bahay bago siya tuluyang pumanaw. Pumasok ako sa kuwarto na tulala. Nagtanggal ng bag. Pumikit. At unti-unting pumatak sa aking mata ang mga luha. Halos tahimik akong humagulgol upang maiwasang marinig ng aking pamilya ang sakit ng aking puso noong panahong iyon.

Kinaumagahan pagkatapos ng kanyang pagkamatay ay lumabas ako upang kunin ang tuwalya. Nakita ko si Bruce na nakalingon sa lugar kung saan laging natutulog si Bunny. Wala ang kanyang kaibigan. Hinahanap niya ito at kitang-kita sa kanyang mga mata ang pagtataka kung nasaan ang kunehong tinuring na niyang kapatid. Hindi ko natiis na maluha. Ako rin, sa araw-araw ng buhay ko ay hindi ko nakakaligtaang haplusin ang kanyang ulo at ang krus sa kanyang likuran sa tuwing mag-uumpisa ang araw ko. Nawalan ako ng kapatid na alam kong laging handang makinig sa akin.

Ngayon, alam ko na naglalaro na siya sa hardin kung saan naroon ang Panginoon. Kumakain na siya ng pagkain na mas masarap pa sa kanyang mga kinakain dito sa bahay. Kahit papaano’y masaya ako na sa kabila ng pag-iwan niya sa amin ay mas mabuting makakapiling na niya ang Lumikha sa kanya. Doon ay walang hanggang kapahingahan at walang hanggang saya ang kanyang madarama.

Tanging kapiraso ng repolyo lang ang aking alaala sa kanya. Ang repolyong iyon ang huling pagkaring katabi niya bago siya namatay. Nilagay ko ito sa maliit na lalagyan at laging dala upang kahit sa alaalang iyo’y lagi ko siyang nakakasama.

Bunny, kung nasaan ka man ngayon, MAHAL NA MAHAL KITA. Magkita tayo sa Paraiso balang araw. Malalaman kong ikaw yun kapag inikutan mo ako sa aking pagdating doon, at masaya tayong maghahabulan magpakailanman. Pero sa ngayon, paalam kapatid kong kuneho.

 

Ang hayop t tao ay parehong nilalang ng Diyos, bagamat tayo’y pinanganak na kawangis ng Panginoon. Magkagayunman, ang mga hayop ay may malaking importansiya sa ating mga tao sa napakaraming bagay. Alaga man ang turing natin sa kanila, marami sa atin, higit pa sa pet ang turing… kundi isang kaibigan.

Gusto Ko Maging Malapit Sa Kanya, Pero…

Mga gulo-gulong ideya. Hindi ko alam kung bakit ko binuksan ang “Add New Post” button ng blog ko, Parang may gustong sabihin ang utak ko na hindi ko mailabas. At yun ang pinakanakakainis sa lahat. Ipagpaumanhin ninyo ang kaguluhan ng thoughts ko rito.

Binubulabog ako puso ko sa dami ng nangyayari nitong mga nakalipas na araw. Naiisip ko kung paano ko maaalis ang itsura ng taong ito sa aking utak. Alam kong mali. Gusto ko maging malapit sa kanya pero hindi yun maaari. Whew.

Alam kong sa kanyang mga mata na may gusto siyang sabihin sa akin pero dahil sa hindi maipaliwanag na kadahilanan e hindi ko mahalungkat ang gustong iparating ng kanyang diwa. Kulang sa panahon. Kulang sa pagkakataon. Pero bago natapos ang aming oras ay nagkaroon ako ng pagkakataong mapasaya siya, at sa kanyang mga labing naglalahad ng matitipid na salita ay nakita ko ang mga ngiting ninais kong makita.

Sa kabila ng mga alaalang ito, nararapat kong burahin ito sa aking utak. Oo. Sayang. Pero wala akong magagawa. Ayoko sanang labagin ang aking puso pero ayoko ring masira ang tunay na misyon ko. Important files > Love > You —– Deleted.